NANINIWALA ang mga kaanak ng 29-anyos na lalaki na naaburido ito kaya nagawang bigtihin ang sarili sa kanilang bahay sa lalawigan ng Guimaras.
Kinilala lamang ang biktima sa alyas Toto, residente ng Maabay, Sibunag, Guimaras.
Ayon kay PSSg. Goldmar Monreal, imbestigador ng Sibunag Municipal Police Station, nadatnan ng kanyang kapatid ang biktima na nakabitin sa biga ng kanilang bahay gamit ang lubid.
Kuwento ng kapatid, umalis silang mag-ama kaya naiwang mag-isa si Toto sa bahay. Nang umuwi ay nabungaran na nilang nakabitin ang biktima.
Nadatnan din umano nilang wasak ang cellphone ni Toto kaya may hinala silang ito ang dahilan ng depresyon ng kapatid.
Nitong mga nakalipas na araw umano ay napansin nila na madalas titigan ni Toto ang cellphone at hinihintay na makatanggap ng message.
Sa kabila nito, duda ang mga awtoridad na may mas malalim na dahilan sa likod ng pagpapatiwakal ng biktima. (ANNIE PINEDA)
