Sa gitna ng impeachment trial; SEN. ERWIN TULFO TINIYAK PAGPASA NG MGA KRUSYAL NA BATAS

TINIYAK ni Senador Erwin Tulfo na hindi maaantala ang pagpasa ng mahahalagang panukalang batas kahit magsilbi siyang senator-judge sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Tulfo, magagawa ng Senado na gampanan ang tungkulin nito bilang impeachment court habang ipinagpapatuloy ang paggawa ng mga batas para sa kapakanan ng mamamayan.

“Kinikilala natin ang ating mandato sa ilalim ng Saligang Batas na maging patas na hurado sa impeachment trial na ito. Ngunit ang katotohanan, hindi pwedeng i-hold ang pang-araw-araw na paghihirap ng milyon-milyong Pilipino,” ani Tulfo.

Dagdag pa niya, dapat kayang mag-multitask ng Senado upang maipagpatuloy ang serbisyo publiko.

Kabilang sa kanyang mga prayoridad ang pagpasa ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) Act, pag-amyenda sa Oil Deregulation Law, paglikha ng Philippine Petroleum Reserve, at pagrepaso sa Juvenile Justice and Welfare Act.

Iginiit din ni Tulfo na dapat magpatuloy ang mga mahahalagang imbestigasyon ng Senado, kabilang ang flood control probe at ang isyu ng malawakang pagputol ng mga puno at earth-balling sa Palawan.

Nanawagan din siya sa kanyang mga kasamahan sa Senado na magkaisa sa pagtugon sa mga suliraning pang-ekonomiya at panlipunan.

“Karapatan ng mamamayang Pilipino na malaman ang katotohanan at magkaroon ng pananagutan sa gobyerno, ngunit karapatan din nilang gumaan ang kanilang buhay. Pareho nating ibibigay iyan sa kanila,” pagtatapos ni Tulfo.

100

Related posts

Leave a Comment