HINDI YAYA ANG SOCIAL MEDIA

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

NOONG unang panahon, ang madalas na bilin ng mga magulang sa kanilang anak ay huwag makipag-usap sa estranghero. Pero ngayon, tila binaligtad ng teknolohiya ang sitwasyon. Ang estranghero na mismo ang pumapasok sa bahay—sa pamamagitan ng cellphone, tablet, at computer.

Ito ang dahilan kung bakit makatuwiran at napapanahon ang panawagan ng Philippine Society for Developmental and Behavioral Pediatrics na bantayang mabuti ng mga magulang at guardian ang paggamit ng social media ng mga menor de edad. Mas matindi ito sa simpleng usapin ng screen time dahil nakasalalay na ang kaligtasan, paghubog ng pag-iisip, at kinabukasan ng isang henerasyon.

Maraming nakatutuwang epekto ang digital na mundo, nariyan ang madaling pakikipag-ugnayan sa mahal sa buhay kahit pa milya-milya ang layo sa isa’t isa. Maging ang mga nangyayari sa paligid at higit sa lahat ang kaalaman na mabilis malaman at kumalat. Pero sa kabila ng mga positibong epekto, ang pag-usbong ng mga negatibo. Nariyan ang karahasan, pornograpiya, cyberbullying, online predators, maling impormasyon, at mga algorithm na ang tanging layunin ay panatilihing nakatutok ang gumagamit sa screen hangga’t maaari. Ang bata ay hindi tinitingnan bilang batang dapat protektahan kundi bilang consumer na kailangang manatiling online.

Mas mapanganib pa rito ang katotohanang hindi alam ng maraming magulang kung ano ang pinapanood ng kanilang anak. Habang abala sila sa paghahanapbuhay, tahimik namang hinuhubog ng social media ang pananaw, asal, at pagpapahalaga ng kanilang mga anak. Unti-unting napapalitan ng influencers ang impluwensya ng magulang, ng viral videos ang wastong paggabay, at ng algorithm ang pagpapalaki sa bata.

Dati, kapag nagkamali ang isang kabataan, ang unang tanong ay, “Saan nagkulang ang mga magulang?” Pero sa panahon ngayon, dapat na rin nating ibaling ang atensyon kung gaano kalaki ang pananagutan ng mga higanteng social media platforms na kumikita ng bilyon-bilyong dolyar sa bawat minutong ginugugol ng kabataan sa kanilang mga aplikasyon.
Sa totoo lang, hindi aksidente ang pagiging “adik” ng maraming kabataan sa social media. Dinisenyo ang mga platform upang manatili ang atensyon ng gumagamit. Ang walang katapusang pag-scroll, autoplay ng video, at sunod-sunod na rekomendasyon ng content ay hindi para sa kapakanan ng bata. Ginawa ang mga ito upang mas matagal silang manatili online, mas maraming advertisement ang mapanood, at mas malaki ang kikitain ng mga kumpanya.

Kaya hindi sapat ang paulit-ulit na paalala sa mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak. Hindi rin makatarungang sa kanila lamang iatang ang buong responsibilidad. May pananagutan din ang mga kumpanyang nagdidisenyo ng mga digital platform at kumikita mula sa atensyon ng mga menor de edad.

Dahil dito, napapanahon ang isinusulong sa Kamara de Representantes na Children’s Social Media Safety Act. Sa ilalim ng House Bill No. 9965, inaatasan ang mga social media platform na magpatupad ng mahigpit na age verification, parental controls, at iba pang mekanismo upang maprotektahan ang mga batang gumagamit ng internet. Kapag pumasa ang panukala, pagmumultahin ng aabot sa P50 milyon ang mga platform na hindi susunod sa mga pamantayang ito, at maaari pang ipagbawal ang kanilang operasyon sa bansa kung paulit-ulit ang paglabag.
Mahalaga ring bahagi ng panukala ang pagbabawal sa social media accounts ng mga batang wala pang 13 taong gulang, ang obligasyon ng mga platform na gawing pinakamataas ang privacy settings ng mga menor de edad, ang regulasyon sa mga algorithm na nagrerekomenda ng mapaminsalang content, at ang pagsasama ng digital literacy sa K to 12 curriculum.

May magsasabing labis ang paghihigpit. Ngunit mas mahalaga ba ang kalayaan ng isang kumpanya na palawakin ang negosyo nito kaysa karapatan ng isang bata na lumaki sa ligtas na kapaligiran?

May mga nagkokomentong tila pagsikil ito sa kalayaan sa internet. Pero ang usapin ay higit pa sa kampanya laban sa teknolohiya. Ang teknolohiya ay kasangkapan lamang. Ang tunay na isyu ay kung sino ang may kontrol dito—ang tao ba, o ang algorithm?

Hindi rin sapat ang batas kung mananatiling “digital babysitter” ang cellphone. Walang aplikasyon ang makapapalit sa paggabay ng magulang. Walang artificial intelligence ang kayang pumalit sa isang ama o inang marunong makinig, magturo, at magtakda ng hangganan.

Kaya, ang pinakamabisang parental control ay hindi software kundi ang mismong mga magulang. At ang pinakamahalagang password sa kaligtasan ng isang bata ay hindi apat na numero kundi ang oras, atensyon, at pagmamahal na ibinibigay sa kanya araw-araw.

Kung gusto talaga nating protektahan ang kabataan, dapat managot ang lahat—ang pamilya, ang paaralan, ang pamahalaan, at ang social media companies. Kung hahayaan nating ang algorithm ang magpalaki sa ating mga anak, huwag nang magtaka kung balang araw ay iba na rin ang kanilang pinahahalagahan.

100

Related posts

Leave a Comment