BAM PABOR ISAPUBLIKO LAHAT NG EBIDENSIYA SA VPSD IMPEACHMENT

IGINIIT ni Senador Bam Aquino na dapat isapubliko ang lahat ng ebidensiyang ihaharap sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Sinabi ni Aquino na maghahain siya ng mosyon sa unang linggo ng paglilitis upang hilingin na ilabas sa publiko ang lahat ng ebidensiyang ihaharap sa impeachment court.

“Sa unang linggo, magpa-file po tayo ng motion to release all presented evidence to the public,” ani Aquino.

Ayon sa senador, mahalagang malaman ng taumbayan ang lahat ng detalye ng paglilitis habang dinidinig ng mga senator-judges ang impeachment case laban sa Bise Presidente.

Ipinaliwanag din niya na seryosong proseso ang impeachment dahil kailangan ang boto ng dalawang-katlo ng Senate impeachment court upang mapatalsik sa puwesto ang isang halal na opisyal.

“Hindi simpleng bagay ang pagtanggal sa mga nahalal na opisyal dahil binabago po ng impeachment ang naging kagustuhan ng mayorya ng mga botante,” ani Aquino.

Hinimok din niya ang publiko na subaybayan ang mga pagdinig, bumuo ng sariling pananaw batay sa mga ebidensiya, at maging mapanuri laban sa maling impormasyon.

Nangako rin si Aquino na magiging patas at walang kinikilingan sa paghusga.

“Hihimayin namin ang ebidensya. Sisiguraduhin namin na magiging patas ang paglilitis. Walang kulay, walang kaibigan, walang kaaway. Boboto po tayo ayon sa ebidensya,” pagtatapos niya.

(DANG SAMSON-GARCIA)

82

Related posts

Leave a Comment