DAPAT pa ring manatili sa General Community Quarantine (GCQ) ang Metro Manila dahil sa patuloy na pagsirit ng mga kaso ng COVID-19.
Sunod-sunod na matataas na bilang ang naitatala ng Department of Health (DOH) sa mga kaso ng COVID-19 sa buong bansa.
Kahapon as of July 15, 2020, 4PM, ang DOH ay nakapagtala ng kabuuang bilang ng COVID-19 na 58,850. Ang positive cases na naiulat ay 1,392 base sa total tests na isinagawa ng 73 sa 82 kasalukuyang operationals labs.
Inanunsyo naman ng DOH ang 517 recoveries na nagdala sa kabuuang bilang ng gumaling na 20,976. Tumaas ang namatay sa 1,614 matapos madagdagan ng 11 pasyente na bumigay sa coronavirus.
Ayon sa pahayag ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergerie, nitong nakaraang Linggo ay 73.7 porsyento ng isolation beds at 77.4 porsyento ng ward beds para sa coronavirus-infected patients ng Metro Manila ang okupado na.
Ang 61 porsyento ng intensive care unit beds ay okupado na rin, samantala ang 36.3 porsyento ng mechanical ventilators ang nagagamit ng COVID–19 patients.
Ibig sabihin ay malapit nang mapuno ang mga iyan kaya kailangan tayo namang mga tao ay mag-ingat.
Sa pagiikot ng PUNA sa Metro Manila ay nakita nating marami pa rin ang hindi sumusunod sa physical distancing. Mayroon ding hindi naglalagay ng face mask, may suot man hindi naman tama ang kanilang paglalagay.
Marami na ring mga opisyal ng gobyerno ang nagpopositibo sa COVID-19 tulad nila DILG Undersecretary Epimaco Densing, QC Mayor Joy Belmonte, DPWH Sec. Mark Villar, 3 QC councilors at marami pang iba.
Nagpapatunay lamang nyan na hindi namimili ang COVID-19 kung sino ang kanyang kakapitan.
Ang Cebu City ay patuloy rin ang pagsirit ng kaso ng COVID-19. Nitong nakaraan ay nakapagtala na sila ng mahigit sa pitong libong (P7k+) kumpirmadong kaso. Halos malapit nang umabot ng apat na raan ang namamatay sa kanila dahil sa COVID-19.
Kung hindi tayo makikiisa sa pag-iingat talagang lalong mapapabilis ang pagsirit ng COVID-19.
Ang City of Manila sa pangunguna ni Yorme Isko Moreno ay pinagdadadakip na ang mga bata na makikitang nakatambay sa labas ng kanilang mga bahay. Ang nahuhuling mga bata ay pinatatawag ang mga magulang upang pagsabihan at kung kinakailagangan kasuhan ay gagawin ng LGU ng Maynila.
Ayon kasi sa DOH, ang mga bata at senior citizens ay vulnerable sa COVID-19. Kaya kumilos na agad ang Maynila bago pa mahuli ang lahat, sana nga sabi ng ating mga mambabasa ‘sana all’ ng Mayor ay ganyan.
Kailangan natin kumilos lahat ‘wag tayo umasa lang sa mga opisyal ng gobyerno.
Maganda rin ang nagawa ng Local Government Unit (LGU) ng Baguio City sa pangunguna ni Mayor Benjamin Magalong kung paano nila ginawa ang contact tracing.
Dahil sa kanilang magandang nagawa ay in-import na ng Cebu City ang kanilang mga tao para tumulong sa Sugbo na mahanap ang posibleng may dala ng virus.
Dapat ganun na rin ang ibang LGUs ‘wag na kayong mahiyang humingi ng tulong kay Mayor Magalong kung papaano ang kanilang ginawang diskarte.
Sa panahon ngayon dapat ang LGUs ay hindi tumitigil sa pag-iisip para sa ikabubuti ng kanilang mga constituents. Ngayon nyo dapat ipakita ang inyong malasakit sa inyong mga kababayan.
Ipakita nyo sa inyong mga nasasakupan na nararapat kayo sa inyong mga puwesto, bilang mga ama at ina ng inyong mga lugar gawin nyo ang lahat para sa kanila.
Taong 2022 ay pipili o maghahalal na naman ang taumbayan ng mga susunod na mamumuno sa buong bansa kaya dapat kayong mga nakaupo magpakita na kayo ng gilas ngayon pa lang.
Kung ano ang ginawa nyo ngayong may COVID-19, yun ang aanihin nyo pagdating ng 2022 elections.
Paalala lamang po hindi na tatanggapin ng taumbayan ang magaling magsayaw ng ‘budots’.
Adios Amigos!
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email sa joel2amongo@yahoo.com at operario@gmail.com.
PUNA Ni JOEL AMONGO
154 