Kapag ‘di naawat ang mga pasaway METRO MANILA NAMUMURO SA MECQ

NAGBABALA si Presidential spokesperson Harry Roque na maaaring bumalik ang Metro Manila sa modefied enhanced community quarantine (MECQ) ngayong Agosto kapag hindi nabago ang galaw ng mga tinatamaan ng COVID-19.

Kasunod ito ng ulat na lumagpas na sa 60,000 ang kaso ng COVID-19 sa bansa na ikinalungkot ng Malakanyang.

Ang projection kasi ng grupo ng mga eksperto mula sa University of the Philippines (UP) ay aabot sa 60,000 ang kaso ng COVID-19 sa pagtatapos ng buwan.

Sa ulat ng Department of Health ay may naitalang 2,498 bagong kaso araw ng Huwebes na may kabuuang 61,266. Sinasabing 1,643 ang namatay habang 21,440 naman ang gumaling.

“Well, ngayon nagkatotoo na nga. Hindi pa tapos ang buwan. Nakakalungkot po iyan,” ayon kay Sec.   Roque.

Dahil dito, hinikayat ni Sec. Roque ang mga Filipino na ipagpatuloy ang pagsunod sa minimum public health standards gaya ng social distancing, pagsusuot ng face mask, at tamang hygiene para mapabagal ang pagkalat ng virus.

Nasa ilalim ng general community quarantine ang MM at malaki ang posibilidad na ibalik sa MECQ kung magiging malala ang sitwasyon ng COVID-19 sa bansa.

“Napagkasunduan na GCQ pa rin ang Metro Manila sa susunod na dalawang linggo, bagama’t kamuntik na nga pong maging MECQ,” ayon kay Sec. Roque.

“Ngunit kung wala nga pong pagbabago sa numero at magiging pabaya ang mga tao, posibleng bumalik po ang Metro Manila sa MECQ,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque. (CHRISTIAN DALE)

163

Related posts

Leave a Comment