APEKTADO na rin ng pandemya ng COVID-19 ang mga pribadong eskuwelahan sa bansa.
Ang ilang miyembro ng Coordinating Council of Private Educational Associations of the Philippine (COCOPEA) ay posibleng magsara dahil kakaunti pa lang ang nag-enrol sa kanilang mga mag-aaral.
Marahil ang dahilan ay ang kawalan ng interes nang mga magulang na pag-aralin ang kanilang mga anak habang may COVID-19 sa bansa. Natatakot kasi ang mga magulang na baka mahawaan ng virus ang kanilang mga anak.
Isa pang dahilan ay ang kawalan nila ng panggastos dahil karamihan kasi sa mga magulang ngayon ay walang trabaho o income. Marami kasi sa mga kumpanya ngayon ang nagsara na rin dahil hindi na nakayanan ang kanilang gastusin.
Puro kasi sila palabas ng gastusin, subalit wala namang pumapasok na kita (income) dahil sarado sila. May mga nagbubukas namang mga negosyo pero limitado rin ang kanilang operasyon at kakaunti pa rin ang mga tumatangkilik sa kanila.
Kadalasan ng mga opisina ngayon ay skeletal staff lamang ang pumapsok dahil na rin sa pag-iingat at para maipatupad ang safety protocols.
Balik po tayo sa mga pribadong paaralan. Minsan naisulat na rin natin na humihingi na ng saklolo ang ilang pribadong eskuwelahan sa gobyerno.
Ayon sa kanila kung hindi sila mabibigyan ng tulong ng gobyerno ay tuluyan na silang magsasara dahil hindi nila kakayanin ang mga gastusin.
Ang gastusin kasi ng mga pribadong eskuwelahan ay kinukuha sa mga bayad ng kanilang enrollees. Natural kung walang papasok sa kanilang mga estudyante ngayong darating na Agusto 24, 2020 ay wala silang magagamit na pera para sa kanilang mga empleyado.
Ang Pilipinas ay may limang (5) educational associations na may 2,500 educational at learning institutions na may mga member-schools, colleges, universities at Tech-Voc Institutions sa bansa.
Siyempre kung magsasara ang mga pribadong paaralan ay kaakibat niyan ay maraming empleyado at guro ang mawawalan ng trabaho. Karagdagan silang magiging tambay ngayong may COVID-19, bukod pa sa libu-libong Overseas Filipino Workers (OFWs) na nawalan din ng trabaho.
Kamakailan nagpahayag ang Department of Education (DepEd) na marami pa rin sa mga mag-aaral sa buong bansa ay hindi pa nakakapag-enrol.
Pero ganunpaman sabi ni DepEd Secretary Leonor Briones kahit na nagsimula ang klase ay maaari pa rin silang tumanggap ng mga hahabol na magi-enrol na mga estudyante.
Plano ng DepEd na simulan ang klase para sa school year 2020-2021 sa darating Agusto 24, 2020. Bagamat ilang Linggo na lang ay magbubukas na ang klase ay hindi pa rin matiyak ng DepEd kung ano ang kanilang ipatutupad na sistema ng pagtuturo.
Batay sa natanggap na impormasyon ng PUNA, kabilang sa mga pinag-aaralan na posibleng ipatupad ng DepEd ay sa pamamagitan ng paggamit ng gadget (smart phone, laptop, tablet at iba pa), telebisyon, radio o kaya modular.
Sa modular learning na tinatawag ay katuwang ng DepEd ang mga magulang ng mga mag-aaral. Sila ang magiging guro ng mga bata sa kani-kanilang mga tahanan.
Kailangan natin lahat magsakripisyo para sa new normal na tinatawag dahil kay COVID-19.
Magtulungan po tayo para sa ating lahat.
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.
168
