PLANO ng isang mambabatas sa Kamara na magpatawag na imbestigasyon sa pagkamatay ng mga high profile inmate sa National Bilibid Prison (NBP) upang mawala ang duda ng marami na hindi pinakawalan ang mga drug lord lalo na ang mga Chinese.
Sa panayam ng Saksi Ngayon kay ACT-CIS party-list Rep. Nina Taduran, hindi nito maiwasang magduda sa mga ulat na isa-isang namamatay ang mga high profile inmate sa NBP dahil sa COVID-19.
“Nakakapagduda naman ang pangyayari. Bakit magaling mamili ang virus? Dapat imbestigahan ito at ipaalam sa publiko ang katotohanan,” pahayag ni Taduran sa panayam.
Base sa ulat, huling namatay sa COVID-19 ang kontrobersyal na si Jaybee Sebastian na agad ipina-cremate ang mga labi at tanging abo na nasa plastic ang larawang inilabas.
Ilan din sa mga Chinese drug lord umano na namatay ay sina Zhang Zhu Li, Jimmy Kingsing Huang, Ryan Ong at ang local drug lord na si Amin Buratong at iba pa na agad ding ipina0cremate ng BuCor.
“Di naman maaaring pina-cremate agad at wala na dapat pang detalye na ibigay. Dapat ma-account lahat ng high profile criminals at sakaling may anomalya sa likod nito dapat may managot,” ani Taduran.
Kailangan aniyang magkaroon ng imbestigasyon para maiwasan ang duda ng marami na posibleng may mga Chinese drug lord ang “idineklarang namatay sa COVID-19 subalit pinakawalan pala ang mga ito”.
“Hindi po masisisi ang mga tao na magduda ng ganyan lalo na kung wala naman silang nakitang bangkay,” ayon sa mambabatas kaya isa sa mga dapat umanong ilabas sa gagawing imbestigasyon ay ang mga ebidensya na namatay nga ang mga ito sa COVID-19.
Nilinaw ng mambabatas na hindi nito ipinagtatanggol ang mga high profile inmate subalit kailangang malinawan aniya ang mga tao sa bagay na ito upang mawala ang mga pagdududa.
Samantala, aminado si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na maraming katanungang dapat sagutin sa mga insidente ng pagkamatay ng inmates sa New Bilibid Prisons (NBP) dahil sa COVID 19.
Ayon kay Sotto, maghahain siya ng resolution upang imbestigahan ng kaukulang komite sa Senado ang pagkamatay ng may 29 inmates sa NBP simula pa noong Mayo.
“I’m filing a resolution investigating the deaths in the NBP. Too many unanswered questions,” pahayag ni Sotto.
Suportado naman ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go ang hinihinging imbestigasyon ni Sotto.
UMAMIN
Kaugnay nito, aminado si Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag na may ilang persons deprived of liberty (PDL) na ang namatay dahil sa pandemic na coronavirus disease (COVID-19).
“However, as much as we want to inform the public with respect to the names of PDL who died due to COVID-19, the data privacy act prohibits us from doing so,” sabi ni Bantag sa isang statement.
Sa kabila naman nito ay tiniyak ng BuCor Chief na ginagawa ng tanggapan ang lahat ng kanilang makakaya para matugunan ang sitwasyon ng jail facilities sa gitna ng pandemic.
Ibinida ni Bantag ang mataas na recovery rate ng COVID-19 cases sa BuCor facilities na resulta umano ng ginawa nilang interventions.
Naging maagap din umano sila sa identification, isolation at treatment programs kaya nabawasan ang banta ng pagkalat ng sakit sa kanilang mga pasilidad.
Kasabay nito, kinumpirma ni BuCor spokesperson Gabriel Chaclag na 18 inmates na ang bilang sa New Bilibid Prison (NBP) na namatay dahil sa COVID-19.
Pero hindi nito kinumpirma ang ulat hinggil sa pagkamatay ng convicted high-profile inmate na si Jaybee Sebastian sa acute myocardial infarction secondary to COVID-19.
Sa hiwalay namang statement, sinabi ng Department of Health na isa lang ang naitala nilang death case sa mga PDL ng Bilibid at 13 mula sa ibang jail facilities. (BERNARD TAGUINOD/DAVE MEDINA/DANG SAMSON-GARCIA)
214
