Kidney patients apektado sa pag-apaw ng may COVID NKTI NAGMAMAKAAWA NA

NAGMAMAKAAWA na ang National Kidney Transplant Institute (NKTI) sa national government dahil sa patuloy na pagdami ng COVID-19 patients na nakaaapekto hindi lamang umano sa kanilang mga staff kundi sa kidney patients.

Sa virtual press conference ng Minority bloc sa Kamara, sinabi ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate na kailangan na ng NKTI ang tulong ng national government sa lalong madaling panahon.

“Sinusuportahan natin ang panawagan, an open letter for help ng NKTI na inilabas nila noong July 19. Its an open letter na talagang nagmamakaawa na humihingi ng tulong sa mga ahensya ng pamahalaan especially from national government, the executive,” ani Zarate.

Isa aniya ang NKTI sa may pinakamaraming kaso ngayon ng COVID-19 at base umano sa open letter ng pagamutan ay marami na rin sa kanilang mga health personnel ang nagpositibo sa nasabing virus.

Ang specialty ng NKTI ay para sa mga taong may problema sa kidney subalit sa kanila rin pumupunta ang mga taong may ibang sakit at lalong grumabe umano ang sitwasyon dahil sa COVID-19 patients.

“Kung baga nasa hot zone na ang ating NKTI at malaking problema ito,” pahayag pa ni Zarate dahil hindi na na-accomadate ng nasabing pagamutan ang mga pasyenteng may problema sa kidney.

Maliban dito, ang mga pasyente na galing sa NKTI at kailangang lumipat ng ibang pagamutan dahil hindi na sila naasikaso sa dami ng COVID-19 patients ay hindi na rin umano tinatanggap sa ibang ospital.

Dahil dito, kinalampag ni Zarate ang gobyerno lalo na ang Department of Health (DOH) at Inter-Agency Task Force (IATF) para saklolohan ang NKTI at buhusan ng medical personnel.

“Kung maalala n’yo nag-allocate tayo ng budget of hiring of additional personnel. Iprioritize nila ang mga specialize hospital lalo na ang NKTI dahil wala silang matatakbuhan, lalong-lalo na ang mahihirap nating kababayan na nagkaroon ng problema sa kanilang kidney,” ani Zarate. (BERNARD TAGUINOD)

209

Related posts

Leave a Comment