NAISALBA sa pamamagitan ng isinagawang cardiopulmonary resuscitation o CPR ng isang Marine Engineering student ang nalunod na dalawang bata sa bayan ng Catanauan sa lalawigan ng Quezon noong Sabado.
Ayon sa ulat, dalawang batang taga-Brgy. Malaya, General Luna, Quezon ang nalunod sa isang beach resort sa Catanauan nang mapalayo sa pampang habang hinahabol ang isang nakalutang na bote.
Wala nang malay ang mga bata nang maiahon ngunit agad nagsagawa ng CPR ang isang Marine Engineering student na si Von Untalan na nagkataon na naroon din sa lugar, hanggang sa muling huminga at magkamalay ang mga biktima. Kapwa agad naka-recover ang dalawang bata.
Kaugnay nito, nagpaalala ang mga awtoridad na bantayang mabuti ang mga menor de edad sa mga beach lalo ngayong may habagat.
(NILOU DEL CARMEN)
69 