ISASARA sa loob ng 16-araw ang Bagong Kaunlaran compound sa Brgy. Paso De Blas, Valenzuela City mula ngayong Hulyo 25 matapos na halos 50 porsiyento ng mga residente rito na nagpa-swab test ay magpositibo sa coronavirus disease (COVID-19).
Simula alas-12:00 ng madaling araw ngayong Sabado hanggang alas-11:59 ng gabi sa Agosto 9 ay ipatutupad ang unang lockdown sa lungsod, ayon kay Mayor Rex Gatchalian.
Sa nasabing panahon, walang papayagang makapag-labas masok sa lugar ngunit pinagkalooban naman ng sapat na oras ang mga residente upang asikasuhin ang mga pangangailangan bago isara ang komunidad.
Pagbabayarin ng P10,000 o pagkakakulong ng hindi lagpas sa 30 araw ang mga susuway, ayon sa nakasaad sa COVID-19 spread prevention ordinance ng Valenzuela City; o P5,000, batay naman sa stay at home ordinance ng lungsod.
Siniguro ni Gatchalian sa mga apektadong pamilya na ang koneksyon ng tubig at kuryente nila ay hindi mapuputol kahit hindi sila makabayad sa panahon ng lockdown dahil nakipag-usap na umano ang pamahalaang lungsod sa mga provider.
Magtatayo ng medical command post at padala station kung saan puwedeng mag-iwan ng pagkain at mga pangangailangan ang mga kaanak ng mga apektado; mamamahagi rin ng pagkain, gamot at tubig ang pamahalaang lungsod na ipadadala sa mga bahay-bahay para sa 530 pamilyang apektado ng lockdown.
Samantala, 46 na ang namatay dahil sa COVID-19 sa Valenzuela, ayon sa City Health Office-City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU).
Ayon pa sa CESU, 1,569 na ang confirmed cases, 960 ang active cases at 563 na ang gumaling. (ALAIN AJERO)
251
