NADAKIP ng mga awtoridad sa ikinasang buy-bust operation ang tatlong “small-time” na tulak ng shabu sa Navotas City.
Bandang alas-12:45 ng madaling araw nitong Sabado nang isagawa ng mga operatiba ang operasyon laban kay Joselito Lingad alyas “Negro,” 50, sa C4 Road 10, Brgy. North Bay Boulevard
North.
Nang abutin ng suspek ang P300 marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng isang sachet ng shabu, ay agad siyang inaresto ng mga pulis.
Nakumpiska mula kay Lingad ang aabot sa 2.6 gramo ng shabu na tinatayang P17,680 ang halaga at buy-bust money.
Samantala, alas-6:05 naman ng gabi noong Biyernes nang unang matimbog sina Jan Michael de Leon, 33, at Leandro Abong alyas “Taguro,” 21, nang bentahan ng isang sachet ng shabu na
nagkakahalaga sa P300, ang isang undercover na pulis sa buy-bust operation sa M. De Vera St., Brgy. Sipac Almacen.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang aabot sa 4.5 gramo ng shabu na P30,600 ang halaga at buy- bust money.
Sinampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Navotas City Prosecutor’s Office. (ALAIN AJERO)
137
