ANTI-CORRUPTION CAMPAIGN NI DU30, PACC ‘DI SERYOSO

Kaya patuloy sa pagnanakaw ang mafia sa PhilHealth KUNG talagang seryoso si Pangulong Rodrigo Duterte at ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na masugpo ang katiwalian sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, kasama na ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth)  ay dapat sinimulan nila ang paglilinis sa nasabing ahensya pagkaupo nila sa pwesto.

Naniniwala ang mga militanteng grupo na hindi seryoso ang PACC na masugpo ang korapsyon sa PhilHealth dahil iniiwasan umano ng mga ito na isabit sa imbestigasyon sina PhilHealth President and CEO ret. Gen. Ricardo Morales at Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III.

Sa virtual press conference ng Makabayan bloc sa Kamara, sinabi ni Gabriela party-list Rep Arlene Brosas na mayroon nang imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) sa katiwalian sa PhilHealth subalit hindi ito binigyan ng pansin ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte at maging ng PACC na kinabibilangan ni Commissioner Greco Belgica.

“In fact may naging imbestigasyon na ang NBI dyan kung saan nailista, by region ano, na corruption,” ani Brosas na posibleng dahilan ng suspensyon na ipinataw ng Office of the
Ombudsman sa 11 opisyales ng PhilHealth.

“Kaya dapat, lahat sinuspend pero hindi eh. Pinili ang sinuspend eh tapos ang alam natin namamayagpag pa rin ang mafia sa loob ng PhilHealth. Kung totoo talaga na gustong tugunan ito
ng Duterte administration eh dapat i-weed out nila kung sino ang mga corrupt sa loob ng PhilHealth,” ani Brosas.

Malamang na alam umano ng PACC at maging ng Pangulo ang mga dokumento ng katiwalian sa PhilHealth na hawak ngayon ng NBI subalit mistulang hindi ito binigyan pansin kaya nagpatuloy ang katiwalian sa ilalim ng kanilang administrasyon.

“Kung baga ang corruption may kasaysayan. May babalikan ka at dapat yun ang gawin ng kasalukuyang administrasyon. Unless yung mga nakikinabang ngayon [sa katiwalian sa PhilHealth] ay nasa administrasyon,” ayon pa kay Brosas.

Ayon naman kay ACT party-list Rep. France Castro, “Hangga’t bine-baby ni Pangulong Duterte ang mga corrupt lalong-lalo na dyan sa PhilHealth, mga implied sa corruption mula taas hanggang baba eh talagang mananatili ang corruption. Ang panawagan sa PACC, huwag nyo nang i-exempt si Morales, isama nyo rin sa pag-iimbestiga ninyo maging si Health Secretary Duque. Lalong-lalo na si Secretary Duque, ang tagal na niyang namuno sa PhilHealth.”

Ganito rin ang panawagan ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate dahil naniniwala ito na hindi naging pro-active ang PACC at si Duterte kaya lalong lumala ang katiwalian sa PhilHealth nang maupo ito sa pwesto noong 2016.

Magugunita na lumabas sa pagdinig ng House committee on public account ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor na nagsimula ang All Case Rate policy noong 2013 at nagpatuloy ito
hanggang 2019.

“Dapat naging pro-active sila sa katiwalian sa mga ahensya ng gobyerno tulad dyan sa PhilHealth,” ani Zarate subalit hindi umano nangyari dahil ang Kongreso pa ang nakatuklas sa katiwaliang ito gayung trabaho ito ng PACC at ni Duterte.

Dahil dito, kailangang magpakitang gilas aniya ngayon ang Malacañang lalo na ang PACC para panagutin ang mga corrupt official sa state health insurance agency dahil naghihintay ng
katarungan ang pinagnakawang mamamayan.

MALVERSATION

Samantala, namumurong makulong ng hanggang 12 taon ang lahat ng mga opisyal na nag-apruba na bigyan ng Interim Reimbursement Mechanism (IRM) funds ang mga pagamutan na walang
kinalaman o walang kakayahang gumamot ng COVID-19 patients.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House committee on public account na pinamumunuan ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor, sinabi ni Dasmariñas City Rep. Elpidio “Pidi” Barzaga Jr.,
hinog na ang kasong malversation laban sa mga opisyal ng PhilHealth dahil sa IRM.

“You would be liable already for technical malversation or illegal use of public funds… Good faith is not a valid defense. As long as public funds were used for purpose different from which it was
originally intended, you are liable for technical malversation,” ani Barzaga.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos aminin ni PhilHealth Senior Vice President, Health Finance Policy Sector Dr. Israel Francis Pragas na maging ang mga pagamutan na walang
kakayahang gumamot ng COVID-19 patients ay binigyan ng IRM funds.

Base sa batas, ang sinomang mapatutunayang guilty sa kasong technical malversation of public funds ay may parusang prison mayor o pagkakakulong mula 6 na taon hanggang 12 taon bukod sa
pagsibak sa mga ito sa kanilang trabaho.

Subalit ayon kay Deputy Speaker Rodante Marcoleta, hindi lamang malversation of public funds ang dapat isampang kaso sa mga opisyal ng PhilHealth kundi plunder at iba pang kaso dahil bilyones ang nawawalang pondo. (BERNARD TAGUINOD)

211

Related posts

Leave a Comment