BUKAS si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa panukalang higpitan o tuluyang ipagbawal ang mga mararahas na online games kasunod ng shooting incident sa San Jose National High School sa Tacloban City.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na natalakay sa Malacañang ang posibilidad ng pagbabawal sa mga naturang aplikasyon matapos lumabas ang ulat na isa sa mga menor de edad na sangkot sa insidente ay avid player ng isang violent online game.
“Napag-usapan po na ‘yung mga ganoong klaseng app ay dapat na ma-ban sa Pilipinas. So maganda pong mungkahi iyan at sana makagawa agad ng batas at open ang Pangulo sa ganyang mga panukala,” ayon kay Castro.
Aniya, bukas ang administrasyon sa mga panukalang batas na magre-regulate sa access ng mga menor de edad sa violent online content.
Dagdag pa niya, maaaring mapabilis ang pagtalakay ng Kongreso sa naturang usapin dahil sa nangyaring insidente sa Tacloban.
Ang pahayag ay kasunod ng utos ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na pansamantalang i-block ang online game na GoreBox habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Ayon sa CICC, isinagawa ang precautionary measure matapos lumabas sa inisyal na police findings na isa sa mga estudyanteng sangkot sa pag-atake ay regular na naglalaro ng nasabing online game.
Gayunman, nilinaw ng mga awtoridad na wala pang direktang ebidensyang nagpapatunay na may kaugnayan ang laro sa naganap na pamamaril at nagpapatuloy pa ang masusing imbestigasyon.
(CHRISTIAN DALE)
42 