INULAN ng papuri ang isang nurse kamakailan dahil sa ipinamalas na kabutihan nang hindi ito mag-atubiling tulungan ang manganganak na street dweller sa Osmeña Avenue sa Brgy. Bangkal,
Makati City.
Hindi agad nakilala ang nurse dahil first name lamang ang ibinigay niya sa mga tauhan ng Bangkal Fire Emergency Rescue Disaster Support Team na unang sumaklolo sa manganganak na si Jeka
Rausa, 31.
Matapos maisaayos ang isinilang na sanggol at ang ina nito, nagmamadali ring umalis ang nurse para pumasok sa trabaho.
Kinunan ng video ang nasabing insidente at marami ang natuwa at nagkainteres na makilala ang nurse.
Hanggang sa wakas ay nakilala ng publiko ang mailap na nurse. Siya ay si Mary Lorraine Pingol.
Kwento niya, papasok siya noon sa trabaho nang lapitan ng rescue team para hingan ng tulong dahil manganganak ang isang palaboy.
Dahil nakatatak sa isipan ang sinumpaang tungkulin, agad tumugon si Pingol at maayos na nairaos ang panganganak ng ginang.
Nabatid na galing sa sakit na leukemia si Pingol at dahil nasa remission, hindi siya makapagtrabaho sa ospital kaya namamasukan siya ngayon sa isang health maintenance organization (HMO).
Kwento ng 29-anyos na si Pingol, noong magkasakit siya ay maraming tumulong sa kanya kaya nang lapitan siya ng rescue team at hingan ng tulong ay hindi rin siya nag-atubili.
Kahanga-hanga ang kabutihan ni Pingol na hindi natakot tumulong sa kabila ng banta ng COVID-19.
Marami pang kwento ng kabutihan ang lumutang ngayong panahon ng pandemya gaya ng pulis na binigyan ng pera ang sinitang rider matapos malamang isa itong working student.
Noong Marso, nag-viral din ang isang good samaritan na binayaran ang groceries ng isa ring shopper sa kasagsagan ng panic buying dulot ng pagsipa ng COVID-19.
Ngayong humaharap sa krisis pangkalusugan ang mundo, nakatutuwang umuusbong pa rin ang kwento ng kabayanihan at kabutihan ng mga tao. Tunay ngang there’s still hope for humanity.
(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
211
