INIREKOMENDA ng Senado na sampahan ng samu’t saring kaso ang ilang opisyales ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) kabilang si Ricardo Morales kaugnay ng nabulgar na anomalya sa state insurance.
Sinabi ni Senador Panfilo Lacson na kabilang sa kasong dapat isampa kay Morales, Fund Management Sector senior vice president Renato Limsiaco Jr., senior vice president at chief information officer Jovita Aragona, at senior ICT officer Calixto Gabuya Jr., ng malversation, paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at sa National Internal Revenue Code, at perjury.
Giit ni Lacson, malinaw sa pagtatapos ng pagdinig ng Senado na nilabag ng mga PhilHealth official ang mga nasabing batas na nag-ugat sa inimplementang interim reimbursement mechanism (IRM).
“Pangalawa, hindi saklaw ng fortuitous event ‘yung nabigyan nila ng P226 million. Ito ‘yung mga dialysis centers. Pangatlo, walang board resolution kasi in-issue ‘yung IRM, March 20, pagkatapos ang dissemination date ay April 22,” ani Lacson.
Ipinaliwanag pa ng senador na tahasang nilabag din ng mga ito ang National Internal Revenue Code at ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act. (NOEL ABUEL)
171
