TAYTAY, Rizal – Nahaharap sa kasong kriminal ang isang dating konsehal ng bayan na ngayo’y nanunungkulan bilang kapitan makaraang sampahan ng demanda ng kanyang mismong tiyo
kaugnay ng pamemeke umano ng lagda ng huli upang maibenta ang lupaing pag-aari ng kanilang pamilya.
Sinampahan ng isang nagngangalang Carlos de Leon ng kasong falsification of public documents sa Provincial Prosecution Office si dating Taytay Councilor Allan de Leon at tatlong iba pang kasapakat umano sa bentahan ng kanilang pag-aari gamit ang aniya’y pineke niyang lagda.
Ang tinutukoy na lupa na matatagpuan sa Barangay Muzon ay matagumpay umanong naibenta ng kanyang pamanking dating konsehal sa halagang P29 milyon.
Kabilang sa mga sinampahan ng kaso na naka-docket na NPS XV-18M-INV-19E-02504-05, sina Enrique San Juan, Violeta Gonzales, Flor San Juan at maging ang mismong nadenggoy na si Devidas Badlani, isang Indian national.
Sa panig naman ni Badlani, sinabi niyang siya ang biktima sa nasabing bentahan ng lupa. Dagdag pa niya, binili niya ang lupa mula kay de Leon, na aniya’y kanyang pinagkatiwalaan daghil isa umano itong opisyal ng pamahalaan.
Lingid din aniya sa kanyang kaalaman na pineke lamang ni De Leon ang pirma ng kanyang tiyuhin. Batay sa datos mula sa Department of Interior and Local Government, ang akusadong si Allan De Leon ay kasalukuyang kapitan ng Barangay Dolores, isa sa pinakamalaking pamayanan sa bayan ng Taytay. (FERNAN ANGELES)
275
