ITINUTURING ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na “humanitarian way” ng pagsibak kay Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) president and chief executive officer Ricardo Morales ang pag-atas sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte na magbitiw na sa pwesto.
“It’s a humanitarian way of saying ‘you’re fired’,” sabi ni Sotto.
Samantala, aminado si Senador Panfilo “Ping” Lacson na nalulungkot siya para kay Morales na ang kalusugan ay posibleng naapektuhan din ng mga pagdinig.
Umaasa si Lacson na makare-recover sa kanyang sakit si Morales na ngayon ay naka-medical leave dahil sa kanyang lymphoma o cancer of the lymph nodes.
Matatandaang ilang senador na rin ang nanawagan para sa preventive suspension ng mga opisyal ng PhilHealth kasama na si Morales upang hindi maimpluwensyahan o mahadlangan ang ginagawang pag-iimbestiga sa mga iregularidad sa ahensya.
Samantala, posibleng sa susunod na linggo ay ilabas na ni Sotto ang report ng Committee of the Whole para sa diskusyon sa plenaryo.
“Our report and findings will most probably coincide with the DOJ’s investigation,” saad ni Sotto.
Samantala, no comment si Presidential Spokesperson Harry Roque sa pagbibitiw ni Morales.
Hindi kinumpirma ni Sec. Roque ang balita na ang source ay si DOJ Secretary Menardo Guevarra.
Ani Sec. Roque, kung ano lang ang nai-broadcast ay iyon ang for public consumption.
Ang mga hindi ipinakita sa publiko ay saklaw aniya ng tinatawag na Executive privilege concept.
Nauna rito, kinumpirma ni Morales na iiwan na niya ang kanyang posisyon sa pamahalaan.
Sinabi ni Morales na ibibigay niya ang liham ng kanyang pagbibitiw kay Executive Secretary Salvador Medialdea, Miyerkoles (kahapon) ng umaga.
Kasabay nito ay nagbitiw na rin sa PhilHealth si senior vice president for legal sector Rodolfo del Rosario, Jr.
Sa kanyang Facebook post, sinabi del Rosario na nagsumite na siya ng irrevocable resignation dahil naging “gruelling” at “stressfull” na raw ang kanyang buhay.
Si del Rosario ay pinatawan ng anim na buwang preventive suspension kasabay ng imbestigasyon sa sinasabing malawakang korapsiyon sa ahensiya. (DANG SAMSON-GARCIA/CHRISTIAN DALE)
140
