ARESTADO ang limang miyembro ng tinaguriang “Gapos Gang” habang apat pa nilang kasamahan ang nakatakas matapos umatake sa Barangay Concepcion Dos, Marikina City noong Lunes, Hulyo 13.
Kinilala ni Eastern Police District (EPD) Director Police Brigadier General Melecio Buslig Jr. ang mga naarestong suspek na sina alyas “Ahorn,” 27; alyas “Don-Don,” 52; alyas “Oryong,” 21; alyas “Ric,” 42; na pawang mula sa Nueva Ecija at Isabela; at si alyas “Beshir,” 43.
Samantala, nakatakas naman si alyas “Lloyd” at tatlo pa nitong kasamahan at kasalukuyan nang pinaghahanap ng mga awtoridad.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, naganap ang insidente dakong alas-12:30 ng madaling araw habang natutulog ang may-ari ng bahay at mga kasambahay nito.
Ayon sa pulisya, bahagi ng modus operandi ng grupo ang pagpapakilalang mga alagad ng batas at pagpapakita ng pekeng warrant of arrest upang makapasok sa target na bahay.
Nang buksan ng biktima ang gate, agad na sapilitang pumasok ang mga suspek sa loob ng bahay.
Una umanong pinutol ng mga suspek ang koneksyon ng internet, sinira ang mga CCTV camera at iba pang visual recording devices bilang bahagi ng kanilang sistematikong operasyon.
“Tinali ng mga suspek ang mga biktima gamit ang cable ties at duct tape habang tinututukan ng baril at saka hinalughog ang mga silid upang kunin ang mahahalagang gamit, electronic devices, mamahaling relo, pera at mga alahas,” ayon kay Buslig.
Sinabi pa ng EPD Director na habang abala ang mga suspek, lihim na nakapagpadala ng emergency distress signal ang isa sa mga biktima sa Marikina City Police Sub-Station 8 na agad namang rumesponde sa lugar.
Dahil sa mabilis na aksyon ng mga pulis, nakorner ang mga suspek matapos maglatag ng perimeter control operation sa lugar.
Narekober mula sa mga suspek ang isang unit ng iPad Pro at isang Victorinox wristwatch na pag-aari ng mga biktima.
Nakumpiska rin ng mga awtoridad ang isang 9mm pistol, dalawang magazine, 19 na bala, apat na improvised firearms o sumpak, isang itim na sling bag, plastic cable ties, duct tape, limang maskara, limang mobile phones, iba’t ibang identification cards ng mga suspek, isang wire cutter, at tatlong kopya ng pekeng warrant of arrest.
Pansamantalang nakapiit ang mga suspek sa custodial facility ng Marikina City Police Station habang isinasagawa ang dokumentasyon at inquest proceedings matapos silang sumailalim sa medical examination.
Sasampahan ang mga suspek ng mga kasong robbery with violence against or intimidation of persons, usurpation of authority, paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, slight illegal detention, at falsification of public documents.
(NEP CASTILLO)
55 