LIBRENG CREMATION SA NAMATAY NA COVID VICTIMS SA MAYNILA

MAGKAKALOOB ang city government ng Maynila ng libreng cremation sa mga residenteng binawian ng buhay dahil sa coronavirus disease.

Ayon kay Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, ang libreng cremation ay isasagawa sa Manila North Cemetery at maaari itong i-avail kung ang namatay sa COVID-19 ay residente ng lungsod.

Nabatid na inialok ng alkalde ang naturang libreng serbisyo dahil sa ilalim ng panuntunan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), ang bangkay ng mga pasyenteng namatay dahil sa COVID-19 ay dapat na i-cremate sa loob ng 12-oras.

Nakatanggap din aniya ang city government ng impormasyon na ilang pribadong kumpanya ang naniningil ng mula P60,000 hanggang P100,000 para sa cremation services, na higit pang pabigat at pahirap sa sinumang nawalan ng mahal sa buhay, lalo na sa mga mahihirap.

“Napakasakit naman na namatayan ka na, ni hindi mo mapa-cremate ang mahal mo sa buhay dahil wala kang pambayad sa cremation.  Kaya sa pamamagitan ng libreng cremation, sana ay maibsan namin kahit papaano ang hirap na pinagdaraaanan ng mga naiwan ng isang yumao dahil sa COVID-19,” ayon sa alkalde.

Aniya, upang mai-avail ang libreng cremation, kinakailangan lamang ng mga kaanak ng mga namatay sa COVID-19 na dalhin ang death certificate nito at magdala ng sariling urn kung saan ilalagay ang abo ng yumao matapos ang cremation.

Dapat ding magpakita ang taong nag-request ng cremation ng kasalukuyang IDs at mga dokumento na nagpapatunay na kaanak siya ng namatay. (RENE CRISOSTOMO)

 

221

Related posts

Leave a Comment