KINUWESTYON ng grupo ng mga abogado ang marahas umanong pamamaraan ng pag-aresto ng mga tauhan ng Quezon City Police District sa abogadong nagtangkang pigilan ang demolisyon sa loteng pagtatayuan ng dialysis building sa tabi ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) sa Lungsod Quezon noong isang linggo.
Isa sa mga pumuna sa pagmamalabis umano ng mga tauhan ng QCPD police ang Bar Topnotcher na si Mae Diane Azores matapos nitong mapanood ang video kung paano marahas na inaresto ang kapwa abogadong si Noel Valerio.
“Nakakagalit! They dragged a lawyer by the collar of his shirt even after he said that he cannot breathe!”
“Abogado na to at alam nila na [naka-video] ginagawa nila pero ganito pa rin, imagine the abuses that can happen against those who don’t know their rights & when no one is around.”
Magkasunod na post sa social media ni Atty. Azores.
Umaasa si Atty. Azores na may gagawing legal action ang panig ni Atty. Valerio kaugnay sa insidente.
Saad naman sa Twitter ng isang @YPMspeaks “..this is a blatant abuse of power by the policemen. We only hope that they will be reprimanded, or even revoked of their official positions. Nakakalungkot po…”
Ang grupo namang Lawyers for Commuters Safety and Protection, ay agad ding nagpahayag ng pagkondena sa insidente.
Sa kanilang press statement, sinabi ng grupo na hindi umano dapat inaresto si Atty. Valerio dahil ginawa lamang nito ang kanyang tungkulin bilang abogado.
Nasa katwiran din umano ito dahil walang maipakitang court order ang demolition team ng Quezon City LGU nang isagawa ang paggiba sa mga bahay na nakatira sa NKTI compound.
Nauna rito, dumating si Valerio, abogado ng umano’y may-ari ng pinag-aagawang lote, habang sinisimulan ng demolition team ang paggiba sa mga kabahayan sa compound at hinanap ang court
order na nagbibigay pahintulot sa demolisyon.
“May court order po ba kayo? Nasaan? Papakita natin sa media. Ihinto ‘yan,” pahayag umano ni Valerio sa hepe ng local Task Force for the Control, Prevention and Removal of Illegal Structures and Squatting (COPRISS) na si Marlo Jacutin.
Nanindigan si Jacutin na mayroong permit ang isinasagawang demolisyon.
“Kinausap sila ng PCUP, ng aming Urban Poor office. Lahat, kumpleto ‘to. Talagang ayaw lang nila umalis,” saad ni Jacutin patungkol sa mga residente sa compound.
Katwiran naman ni Valerio, mayroon pa umano silang pending appeal sa Korte Suprema kaya hindi dapat isagawa ang demolisyon.
Sa gitna nito ay nagkaroon ng tensyon dahil pumapalag ang ilang residente at may isang nanuntok sa isa sa mga tauhan ng demolition team.
Dahil dito, inaresto ng mga tauhan ng QCPD si Valerio na bagaman nagpupumiglas ay nadaig ng pwersa ng mga pulis. (SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
141 