WALANG panahon ang Malakanyang para patulan ang paghahambing o pagkukumpara kina Pangulong Rodrigo Roa Duterte at Vice President Leni Robredo na lumalabas lamang sa social media.
Ito ang binigyang-diin ni Presidential spokesperson Harry Roque sa gitna ng mga komento na mas naging malaman pa ang pagtalakay ni Robredo sa mga importanteng bagay na may kinalaman sa COVID-19 kaysa sa address ng Pangulo.
Para kay Sec. Roque, mas mabuti aniyang gawing batayan ang survey kaysa kung ano ang mga nakikita at nababasa sa internet lalo na’t marami ang mga tinatawag na trolls.
“Napakahirap magkomento sa bagay na nakita lang natin sa social media.
Kasi hindi po basehan talaga iyan kung sino talaga ang pinaniwalaan ng taumbayan lalung-lalo na random comments lang naman iyan sa internet ‘no,” ayon kay Sec. Roque.
Sa ibang pagkakataon na lamang aniya pag-usapan ang pagkukumpara sa Presidente at sa Bise kapag may survey nang lumabas.
Sa kasalukuyan ani Sec. Roque ay wala pa namang survey na nagsasabing naunahan ni Robredo ang Punong Ehekutibo.
Nauna nang pinalagan ng Malakanyang ang akusasyon ni Robredo na walang malinaw na direksyon ang administrasyon para tugunan ang COVID-19 crisis.
“I beg to disagree, seriously disagree with the Vice President,” ayon kay Roque.
Tila ipinamukha ng Malakanyang kay Robredo ang mga hakbang ng gobyerno na nagresulta ng mababang mortality rate para sa COVID-19 (1.55%) at napabuti ang kapasidad ng mga ospital para gamutin ang mga pasyente na may severe at critical cases.
Nauna rito, sa 20-minute speech ni Robredo, araw ng Lunes ay hayagang binatikos nito ang ginagawa ng pamahalaan sa pagtugon sa COVID-19.
Bwelta naman ng Pangulo, nagdaragdag lamang ng “fuel to the fire” si Robredo.
Binigyang diin ng Chief Executive na ang pagsira sa pamahalaan o maging ang kanyang kamatayan ay hindi solusyon sa problema ng bansa.
“Ang pakiusap lang ni Presidente, magkaisa po sa panahon ng pandemya; isantabi muna ang pulitika. Matagal-tagal pa po iyan, marami pang mangyayari mula ngayon hanggang 2022 [elections]. Tulungan muna natin ang ating taumbayan,” ayon kay Sec. Roque. (CHRISTIAN DALE)
173
