DOH KINASTIGO SA SABLAY NA CONTACT TRACING

KINASTIGO ni Senador Nancy Binay ang Department of Health (DOH) sa pagtanggi nitong galing sa 2 Chinese tourist ang corona virus 2019 (COVID-19) na kumalat sa Pilipinas na nagpapahiwatig ng kanilang kapalpakan sa contact tracing.

Sa pahayag, sinabi ni Binay na binabaluktot ng DOH at nagpapakalat ng misinformation ang ahensiya hinggil sa COVID-19 at kung paanong nagsimulang kumalat ang sakit sa buong bansa.

Ipinaalala ni Binay sa DOH na noong Enero, natuklasan na dalawang Chinese tourist mula sa Wuhan ang positibong natukoy na unang carriers ng  novel coronavirus sa Pilipinas.

“Seryoso?! So, di pala sa turistang Chinese galing ang Covid sa Pilipinas. But would the DOH be willing to explain to us kung sino ang nagdala at kung paano nakalusot ang Covid sa atin? By saying na ‘di sapat ang ebidensya na galing sa Chinese tourists’ ang Covid is practically admitting that they are a failure in contact tracing–which explains why they failed to stem the spread of the virus–and continue to be so,” giit ni Binay.

Aniya, binabaluktot at minamali ang impormasyon upang payapain ang ibang tao o bansa.

“The very reason why the Covid issue remains unresolved ay dahil mas pinapagulo pa lalo ng DOH ang sitwasyon. Kaya di natin mabigyan ng lunas ang problema dahil kailangan pagtakpan muna o tapalan kahit meron namang solusyon,” ayon kay Binay.

Sinabi ni Binay na dapat nagkakaisa ang DOH sa pagbibigay ng impormasyon at itigil ang mga pahayag na pabaya, iresponsable at bukas sa misinterpretation.

Noong Enero, nanawagan si Binay sa DOH at iba pang ahensiya ng pamahalaan na ipagbawal ang pagpasok ng turista mula China at ihanda ang emergency response plan at tiyakin na sapat ang
kagamitan ng pamahalaan upang tugunan ang posibleng outbreak ng misteryosong respiratory disease mulang China. (ESTONG REYES)

145

Related posts

Leave a Comment