Sa pagtatayo ng artificial island sa WPS KONTRATA NG CHINESE COMPANIES PINABABASURA

HINILING ni Senador Risa Hontiveros sa pamahalaan na ibasura ang lahat ng proyekto na may kasunduan sa ilang kompanyang Chinese na dawit sa militarisasyon ng People’s Republic of China sa West Philippine Sea, partikular ang pagtatayo ng artificial islands at military outposts.

Sa pahayag, sinabi ni Hontiveros na kailangan nang itigil ang kontrata matapos magpakawala ng missile ang China sa karagatang inaangkin ng maraming bansa.

“Nakakabahala na mismong gobyerno ay may ugnayan sa mga Chinese companies na siyang lumalapastangan sa ating mga teritoryo. Tayo na nga ang ninanakawan, tapos makikipagsabwatan dinpala ang gobyerno sa pagnanakaw na ito?” pahayag ni Hontiveros.

Ayon kay Hontiveros, kabilang sa listahan ng U. S. Department of Commerce ang China Communications Construction Co., Ltd. (CCCC) na sangkot  sa mga paghuhukay at pagtatayo ng military island sa West Philippine Sea.

Ilan sa subsidiary ng CCCC ay may kontrata sa mga proyekto ng gobyerno.

“Base sa nakalap naming impormasyon, may limang memorandum of understanding ang gobyerno sa Chinese company na ito. Mayroon sa Manila, Davao, Cebu, at Clark. Hindi pwedeng magpatuloy ang mga proyektong ito. Kapag pinagpatuloy ito, para na ring isinuko ang ating teritoryo,” pahayag ng senador.

Kaugnay nito, nakakuha ng suporta sa Kongreso si Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin na itinutulak din ang pagpapatalsik sa mga Chinese company na nagtayo ng pasilidad sa WPS.

Bukod sa administration congressman na si House committee on transportation chairman Edgar Mary Sarmiento, ay sinuportahan din ng mga militanteng mambabatas si Locsin.

” I fully support Secretary Locsin if he would recommend the termination of all local contracts involving companies that enabled the Chinese government to reclaim and build structures in our territories.

Allowing these Chinese companies to operate here is way too much of an insult for all Filipinos,” ani Sarmiento.

“The Bureau of Immigration should also identify personalities who are working for these companies and should be deported right away,” ani Sarmiento dahil hindi katanggap-tanggap na ang kumpanyang naging bahagi ng pagsakop ng China sa WPS ay mayroong ginagawang proyekto sa bansa.

Maging si Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate ay pabor kay Locsin na palayasin sa Pilipinas ang CCCC na ito dahil insulto sa Pilipinas na sila ay mayroong ginagawang proyekto dito gayung malaking bahagi sila sa pananakop ng China sa ating teritoryo.

Subalit hindi lamang umano ang CCCC ang dapat palayasin kundi ang iba pang Chinese company na sangkot sa mga maanomalyang proyekto sa Pilipinas tulad ng mga gumagawa sa Chico River at Kaliwa Dam projects. (ESTONG REYES/BERNARD TAGUINOD)

231

Related posts

Leave a Comment