GINUGUNITA ang kabayanihan ng mga Filipinong nagbuwis ng buhay para makamit ng Lahing Kayumanggi ang kalayaan habang isinusulat ko ang pitak na ito.
Hindi ko tuloy maiwasang mahiya sa ating mga bayani dahil sa nangyayari ngayon sa ating bansa na tila nakalimutan na ng karamihan sa mga lider natin ang bayanihan na ginawa ng ating mga ninuno.
Nakakahiya dahil mas marami ngayon ang ‘makapili’ kumpara noong panahon ng ating mga ninunong nakipaglaban para sa atin kaya tayo malayang bansa hanggang ngayon.
Mayroon tayong mga lider na tila isinusuko ang ating soberenya sa West Philippine Sea (WPS) hindi lamang sa kasalukuyang administrasyon kundi sa mga nakaraang gobyerno.
Magmula noong nawala si dating Pangulong Ferdinand Marcos, nagpista na ang China sa WPS. Noong panahon daw ni Macoy, hindi nakakaporma ang China sa WPS pero nang mawala ito, hindi na binigyan ni dating Pangulong Corazon Aquino ng importansya ang ating teritoryo sa karagatang ito.
Lalong lumakas ang loob ng China na angkinin ang mga reef na nakapaloob sa 200 nautical miles sa South China Sea dahil noong 1995 o panahon ni dating Pangulong Fidel Ramos ay nagsimula silang magtayo ng pasilidad.
Noong maging Pangulo si Gloria Macapagal Arroyo, binigyan nya ng pases ang China na i-explore ang ating territorial water kaya nalaman ng mga singkit kung saan matatagpuan ang mga langis at gaas sa loob ng ating teritoryo kaya lalo nilang pinalakas ang kanilang puwersa sa WPS para proteksyunan ang yaman na ito na pag-aari ng mga Filipino pero inaangkin na nila ito sa kasalukuyan.
Panahon na ni dating Pangulong Benigno “Noynoy’ Aquino III nang magpasya ang gobyerno na idulog na sa United Nation (UN) ang kasong ito at nanalo naman tayo sa kaso.
Pero naitayo na ng China ang kanilang pasilidad at maging ang Bajo de Masinloc na sakop ng Zambales ay tuluyan nang binakuran ng Chinese Coast Guard kaya hindi nakakapasok ang mga mangingisdang Pinoy sa fishing ground na ito na pag-aari ng Pilipinas.
Noong 2016 presidential elections, nangako ang noo’y Mayor ng Davao City na si Rodrigo Duterte at nangakong magje-jetski sa WPS para magtayo ng bandila ng Pilipinas sa mga teritoryong inangkin na ng China kaya nabuhayan ng loob ang mga Filipino.
Pero nang manalo ito, hindi niya tinupad ang kanyang pangako at sa kanyang ika-5 State of the Nation Address (SONA) ay inamin niyang inutil siya sa usaping ito dahil hawak na ng China ang ating mga reef sa WPS at giyera ang mangyayari kapag pinalayas ang mga ito na hindi kayang gawin ng Pilipinas.
Marami tuloy ang nagdududa. Ano ba ang ipinakain ng China kay Duterte para huwag itong maghabol? Hindi naman nangangahulugan na magkakagiyera agad kapag ipinaglalaban mo ang teritoryo mo.
Pero may kasalanan din ang UN dito. Ipinanalo nga nila tayo sa kaso pero hindi nila iniimplementa ang kanilang desisyon at hinahayaan nilang bastusin sila ng China na ayaw kumilala sa kanila.
Magkakaroon na naman ng General Assembly ang UN. Sana pagtuunan nila ng pansin ang problemang ito dahil hindi lang ang Pilipinas, hindi ang Vietnam ang maaapektuhan sa katarantaduhan ng China. Maraming bansa ang madadamay kabilang na ang Amerika dahil sa karagatang ito dumadaan ang kanilang mga supply.
