PUTAK nang putak sa mga haka-hakang kuwento lang ang trabaho ni Presidential Communication Operation Office (PCOO) Undersecretary Loraine Badoy kaya hindi na nito nagagampanan ang kanyang trabaho.
Ganito inilarawan ni Bayan Muna party-list Rep. Eufemia Cullamat si Badoy kaya nararapat lamang umano na mag-resign na ito dahil sayang ang ipinasasahod sa kanya ng sambayanang Filipino.
“Dapat na mag-resign na si Lorraine Badoy na yan. Hindi mabuting gawain ng isang opisyal ang manira sa pamamagitan ng pagpapakalat ng fake news lalo pa itong walang batayan. Putak nang putak lang siya ng mga haka-hakang kwento.
Wala talaga siyang kakayahan na gampanan ang tungkulin,” ani Cullamat sa virtual press conference kahapon.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos magmatigas si Badoy na hindi siya magre-resign at tinabla rin ng PCOO na pinamumunuan ni Secretary Martin Andanar ang panawagang alisin na ito sa puwesto.
Lalong umusok ang hidwaan ng Makabayan solon at ni Badoy sa budget hearing ng PCOO na ipinasuspinde dahil sa mga mapanira umanong post ng opisyal na nagsasabing mga high ranking officials ng Communist Party of the Philippines-New Peoples Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) ang mga militanteng mambabatas.
Ang post ni Badoy ay ginawa sa gitna ng pagkuwestiyon ng mga militanteng mambabatas sa P17 billion na pondo ng National Task Force-End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Imbes na pabanguhin aniya ni Badoy ang imahe ng Pangulo at ayusin ang komunikasyon sa mga tao, ay paninira umano ang ginagawa nito sa mga kritiko ng administrasyon.
Dahil dito, sinabi ni Cullamat na walang dahilan para manatili pa rin si Badoy sa kanyang puwesto. (BERNARD TAGUINOD)
139
