PEMBERTON SA GUAM PANSAMANTALANG NAGKAMPO

MAHIGPIT NA natatanuran ng US military servicemen at mga ahente ng Bureau of Immigration nang sumakay sa military C130 Hercules plane na maghahatid sa kanya sa Guam ang convicted na si U.S. Marine Lance Cpl. Joseph Scott Pemberton mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kahapon, 9:14 ng umaga.

Lumapag ang US C-130 na may tail number 535 sa NAIA dakong 8:40 am mula Kaneda, Japan at pumarada sa Old Balagbag, dating Manila International Airport (MIA) habang si Pemberton, na umalis sa Camp Aguinaldo sakay ng puting van ilang minuto makalipas ang 8:00 ng umaga, ay naghihintay na.

Magugunitang ang 25-anyos ngayon na si Pemberton, ay convicted noong siya ay 19-anyos lamang sa pagpatay kay Jennifer “Jeffrey” Laude, isang transgender woman noong 2014.

Nang mangyari ang pagkakapatay kay Laude, kabilang si Pemberton, na isang anti-tank missile operator mula New Bedford, Mass., sa libu-libong Amerikanong nakibahagi sa military exercises sa ilalim ng U.S.-Philippines Visiting Forces Agreement.

Nitong Setyembre 1, 2020 ay ipinag-utos ni Hon. Judge Roline Ginez-Jabalde ng Olongapo City Regional Trial Court [RTC] Branch 74 ang pagpapalaya kay Pemberton dahil napagsilbihan na umano niya ang maximum jail term sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance credit na kilala rin bilang Republic Act No. 10592 na amyenda sa Revised Penal code na nilagdaan noong May 29, 2013, ni dating pangulong Benigno “Noynoy” Aquino, III.

Pero nitong Setyembre 7, 2020, ay pinagkalooban ni Presidente Rodrigo Duterte si Pemberton ng absolute pardon upang tuluyang putulin ang isyu kung karapat-dapat siya sa GCTA credit.

Ikinatwiran ng Punong Ehekutibo na pinagsilbihan nang maayos ni Pemberton ang kanyang sentensya kaya sabi ng Pangulo: “If there is a time when you are called upon to be fair, be fair.”

Magkagayunman, hindi na maaaring pumasok pa ng bansang Pilipinas si Pemberton na kabilang na sa blacklist ng Bureau of Immigration. (DAVE MEDINA)

161

Related posts

Leave a Comment