CHAIRMAN NG PHILHEALTH, DAPAT PALITAN NG FINANCE SECRETARY

SA GITNA ng mga isyu laban kay Health Secretary Francisco Duque III sa kanyang panunungkulan bilang chairman of the board ng Philippine Health Insurance Corporation, isinusulong ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang panukala para sa pagtatalaga ng Finance Secretary bilang chairman.

Sa kanyang panukala, sinabi ni Sotto na dapat alisin sa kalihim ng Department of Health ang tungkulin bilang chairman ng PhilHealth na isang attached agency ng kagawaran.

“Nag-file ako ng bill ngayon, ang ginagawa kong chairman ng PhilHealth ang secretary of Finance,” saad ni Sotto.

Iginiit ng senador na dapat ang chairman ng PhilHealth ay nakakaintindi sa pananalapi o pagnenegosyo.

Samantala, ipinaalala ni Sotto na sa kasalukuyang batas ang chairman of the board ng PhilHealth ay hindi maaaring alisin at hindi maaaring palitan ng representative.

“Hindi siya pwedeng representative, siya dapat mismo ang board samantalang yung mga ibang ex-officio members, pwede or representative,” diin ni Sotto.

Dahil anya sa probisyong ito, lalong naging malinaw na hindi maaaring walang alam si Duque sa mga transakyon ng PhilHealth partikular sa Interim Reimbursement Mechanism (IRM).

“Kaya hindi pwedeng sabihin na porke hindi nakapirma hindi mo alam ang nangyari, apat, limang buwan ang nangyari. P14.8 billion ang ginastos ng agency mo, hindi mo alam?” diin pa ni Sotto. (DANG SAMSON-GARCIA)

198

Related posts

Leave a Comment