TAYO ay naninindigan na huwag munang ituloy ang Kaliwa Dam hangga’t di nalulutas ang lahat ng mga isyu, kung saan ang pinakamalaki ay ang babala ng Commission on Audit (COA) sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa notice to proceed (NTF) nito sa Chinese contractor kahit hindi pa ito nakasunod sa mga rekisitos at walang patunay na ligtas ang mga katutubong nakatira dito.
Ang konstruksyon ng Kaliwa Dam project ay dapat na pigilan o tutulan hangga’t hindi pa natutugunan ang lahat ng mga isyu na naglalabasan ukol dito.
Nasa huli ang pagsisisi kung ang proyekto ay nakumpleto at sa kalaunan ay malalaman natin na may mga problema, hindi na natin mababawi ang pinsalang nagawa.
Batay sa 2019 annual audit report para sa MWSS, ating napag-alaman na ang COA ay nagpalabas ng NTP sa China Energy Engineering Company, Incorporated upang maitayo ang P12.2-billion Kaliwa Dam project, na mapopondohan sa pamamagitan ng official development assistance mula China.
Ito ay sa kabila ng nakabinbing pagsunod nito sa mga rekisitos na kinakailangan. Sinabi rin ng COA na ang project’s proponent ay hindi nagpakita ng mga dokumento na magpapatunay sa pagsunod sa mga hinihiling na nakasaad sa conditional environmental compliance certificate, o hindi rin nagbigay ng mga ulat tungkol sa katayuan ng pagsunod sa mga documentary requirements.
Ayon sa COA, kabilang sa mga preconditions ng project’s loan agreement ay ang pagpapakita o pagsusumite ng kopya ng ECC. Kabilang sa mga kondisyon na nakalista sa ECC ay hindi maaaring magpatuloy ang proyekto hangga’t ang mga sertipikasyon mula sa National Commission of Indigenous Peoples (NCIP), kasama na ang Certificate of Precondition pagkatapos ng Free and Prior Informed Consent ay nakuha mula sa mga apektadong komunidad ng IP.
Ipinaliwanag ng COA na ang pahintulot ng mga apektadong IPs ay dapat ipahayag sa isang nakasulat na resolusyon na tinatawag na Resolution of Consent o ang Resolusyon ng Pagpayag.
Gayunman, sinabi ng COA na matapos nilang suriin ang RP ng Dumagat/Remontado Tribe ng General Nakar, Quezon, na isinumite ng MWSS, natuklasan nila ang mga kakulangan sa kaduda-dudang bisa ng Resolution pati na rin ang pagtanggap at pagiging lehitimo ng mga natipong lagda.
Hindi nararapat na tinatapakan ang ating batas para sa kontrobersiyal na proyektong ito. Ito ay dapat na malinaw at talagang walang puwang para sa debate — maliban kung ang mga nagpapatupad ng proyekto ay ganap na sumunod sa lahat ng mga requirements, kaya ang proyekto ay hindi dapat magpatuloy.
Noon pa man ay nagpahayag na tayo ng pagtutol sa pagtatayo ng dam na ito dahil kabilang ang nasasakupan nating distrito sa maaapektuhan ng proyekto. Kaya nga ating inihain sa Kamara noong 2019 ang House Resolution No. 309, na humiling na imbestigahan ang umano’y maanomalyang pagbibigay ng proyekto sa CEEC.
Ang kasunduan sa pautang ay may pre-requisites na dapat munang makompleto bago payagan ang proyektong magpatuloy. Napakahalagang masunod ang mga ito dahil buhay ang nakasalalay dito—buhay ng mga apektadong IP communities, at buhay ng mga susunod na henerasyon na tiyak malalagay sa panganib kung hindi sinigurong compliant sa environmental impact assessment.
Sa lahat ng sangkot sa proyektong ito, pwede ba na huwag ibawas ang ating mga batas at yurakan ang buhay ng mga tao. Hindi dapat pairalin ang shortcut method sa pagpapatupad ng proyekto.
