ISA sa mga itinuturong dahilan kung bakit lumala ang local transmission ng covid-19 sa bansa partikular na sa Metro Manila ay ang ginawang pamumudmod noon ng Special Amelioration Program (SAP) sa may 18 milyong pamilyang Filipino na labis na naapektuhan sa enhanced community quarantine (ECQ) ang bansa.
Ang layon ng ECQ ay para maiwasan na magkahawahan ang mga tao kaya ikinulong tayong lahat sa ating mga tahanan lalo na’t nakapagtala na ang Department of Health (DOH) ng local transmission sa virus na ito na nagsimula sa Wuhan China noong Nobyembre 2019.
Habang naka-quarantine tayo pinagtibay ng Kongreso ang Bayanihan to Heal as One kung saan naglaan ang gobyerno ng P200 Billion na ipang-ayuda sa mga apektadong mamamayan na nawalan ng kita dahil sarado ang lahat ng pangkabuhayan.
Pero habang tayo ay naka-quarantine, pinalabas ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa kanilang mga bahay ang mamamayab para kunin ang kanilang ayudang pinansyal sa mga barangay na nakakasakop sa kanila.
Natural, sumugod ang mga tao sa kanilang barangay dahil kailangan nila ang pera dahil nawalan sila ng kita. Sino ang hindi gusto ng ayuda kung wala ka ng pinagkukunan?
Nawalan ng saysay ang covid-19 protocols tulad ng social distancing. Dikit-dikit ang mga tao na maagang pumipila sa kanilang barangay hall upang makuha ang P8,000 libong ayuda (sa mga residente sa Metro Manila).
Hindi lamang sa Metro Manila nawalan ng saysay ang social distancing kundi sa mga kalapit na probinsya tulad ng Bulacan at nang medyo lumuwag ang situwasyon matapos mapilitan ang gobyerno na magbukas ng ekonomiya dahil sa tindi na ng epekto ng ECQ sa ekonomiya ng bansa, saka nagkaroon naman ng mass testing.
Dito na nalantad ang kinatatakutang problema… daan-daang libong Filipino na pala ang may covid-19 at ang suspek, ang paglabas sa social distancing nang ipamudmod ng DSWD ang SAP.
Ngayon, marami ang natatakot na baka marami pa ang magkakasakit sa covid-19 dahil patuloy na nilalabag mismo ng gobyerno ang social distancing na sila mismo ang nagtakda.
Tinangnan nyo ang nangyari sa white sand, este dolomite event sa Manila Bay. Hindi nasunod ang social distancing. Hindi ko alam kung hinakot ang mga tao pero yan ang suspetsa ng marami dahil hindi naman pupunta ang mga iyan dyan na sila lang ang may desisyon dahil alam nila na delikado pa ang situwasyon sa labas.
Maraming senior citizens ang pumunta na may hawak pang placard ni Pangulong Rodrigo Duterte. Ibig nyong sabihin sila lang ang nagpagawa ng tarpaulin na ‘yan para suportahan ang dolomite event?
Kung sino man ang may ideya dyan… hindi ko alam kung ano ang itatawag ko sa kanya pero inilagay niya sa panganib ang kalusugan ng mga taong ginamit nila para ipakita lang sa atin na maganda ang kanilang proyekto.
Isinakripisyo pa ang hepe ng police station na nakakasakop sa Manila Bay dahil hindi raw nya naipatupad ang social distancing. Teka, kaya bang kontrahin ng pulis ang mga top officials ng gobyerno na may pakana sa dolomite event?
Bakit hindi yung mga nag-organisa ng event na ‘yan ang parusahan. Sa kagustuhan niya na bigyan ng katuwiran ang paggastos ng P28 Million para magkaroon lang ng dolomite sa napakaliit na bahagi ng Manila Bay eh inilagay niya sa panganib ang kalusugan ng mga tao lalo na ang mga matatanda.
151 