‘HININGA TEST’ SA COVID-19, ISUSULONG

DATI laway, ngayon naman ay isusulong ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Jose Maria Concepcion ang pagsusuri sa hininga ng tao kapag napatunayang epektibo ito sa pagbatid kung positibo o hindi, sa coronavirus disease-2019 (COVID-19) ang isang indibidwal.

Dati, iwinasiwas ni Concepcion na “laway” ang gamitin sa COVID-19 test bilang paraan ng pagbatid kung tinamaan ng COVID-19, o hindi, ang mga Filipino.

Iminumungkahi ni Concepcion ang ganitong ideya habang pinipilit ng Department of Health (DOH) na makapagsasagawa ito ng swab test at rapid test sa maraming Filipino.

Bukod sa pagiging tagapayo ng pangulo sa larangan ng negosyo, si Concepcion ay maraming negosyo.

Ayon sa kanya, ang pagsusuri sa hininga tulad ng ginagawa sa Israel, ay makatutulong sa COVID-19 testing sa bansa, partikular sa industriya ng turismo at sektor ng micro, small, medium enterprises (MSMEs).

Sabi pa ni Concepcion, mayroon na siyang kinakausap na kinatawan ng mga kumpanya tungkol sa breath testing.

Idiniin ng negosyante na kailangang gamitin ang lahat ng paraan upang maraming masuring mga Filipino habang patuloy ang pananalasa ng COVID-19.

Hindi binanggit ni Concepcion kung kinikilala at tanggap ng DOH at ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang kanyang bagong ideya. (NELSON S. BADILLA)

163

Related posts

Leave a Comment