KAP ITINURO NG 3 SUSPEK SA LAND SCAM

SA takot na tuluyang madiin sa mga kasong kriminal na isinampa laban sa kanila kaugnay ng maanomalyang bentahan ng lupa, ikinanta na lang ng tatlong suspek ang isang barangay chairman na anila’y utak sa likod ng modus.

Sa anim na pahinang dokumentong nakalap mula sa Department of Justice, sinabi ng mga akusadong sina Teresita Tadeo, Devidas Badlani at Rodive Balunan, na maging sila ay biktima ng bentahan ng 8,500 square meter na prime property ng noo’y inakala nilang lehitimong kinatawan ng may-ari ng lupa.

Ayon sa kanilang magkakahiwalay na salaysay, sinabi nina Tadeo, Badlani at Balunan, mga akusado sa kasong falsification of public documents at use of falsified documents na isinampa ng magkapatid na Carlos at Marietta de Leon, hindi makatwirang sila ang makulong dahil hindi naman sila ang nagbenta ng mga lupa nito kundi ang kanilang pamangkin na si Allan de Leon.

Anila, lubos silang naniwala kay de Leon dahil sa posisyon nito sa gobyerno. Ang nakababatang de Leon ay kasakuyang chairman ng Barangay Dolores sa Taytay, Rizal.

Wala rin aniya silang kamalay-malay na pawang peke ang dokumento at lagda na kanilang nakuha mula sa pagbili ng nasabing lupa.

Sa nilagdaang testimonya ni Tadeo, binentahan umano siya ng bahagi ng lupa sa Barangay Muzon. Subalit makaraang maibigay ang bahagi ng napagkasunduang halaga, kinailangan pa daw niyang maglabas muli ng salapi para maisaayos ang gusot ng titulo at mabayaran na din ang karampatang buwis.

Sa parte ni Balunan, taong 2018 umano nang kanyang bilhin ang 1,923 square meter na bahagi ng naturang lupa. Gayunpaman, tanging paunang bayad na nagkakahalaga ng P150,000 pa lang ang kanyang naibibigay.

Ayon naman kay Badlani, taong 2018 naman ay nakapagbayad na umano siya ng P29 milyon para sa buong lupain. Kasama sa kanyang testimonya ang mga patunay ng kanyang pinagbayaran. Aniya, siya ang biktima sa nasabing transaksyon.

Sa tatlong testimonya, iisa lang umano ang kanilang ka-transaksiyon – si Kap de Leon, na pamangkin ng mga nagsakdal.

Gayunpaman, tanging sina Tadeo, Badlani at Balunan lamang ang nakasuhan.

“Hindi naman yata makatwirang kaming mga naloko pa ang makukulong. Biktima kami ng pamangkin ng mga nagdemanda sa amin,” saad ng mga akusadong nagpahayag ng kahandaan na idawit ang nasabing barangay chairman sa muling pagbubukas ng kasong idinulog sa DOJ.

Kabilang sa mga dokumentong hawak ng mga nasasakdal ay ang Special Power of Attorney na may pekeng lagda ng mga tunay na may-ari at ang mga palsipikadong tax declaration na isinalin sa kanila ng nasabing Kapitan bilang bahagi ng kasunduan sa bentahan ng lupa. (FERNAN ANGELES)

146

Related posts

Leave a Comment