DAVAO DEL NORTE – Sinimulan na ng lokal na gobyerno ng Panabo City sa lalawigang ito ang contact tracing upang mapigilan ang local transmission.
Nagpalabas ng abiso ang City Health Office ng lungsod noong Biyernes, sa lahat ng mga pumunta sa Leo Revita Salon, simula ng tanghali hanggang alas-4:00 ng hapon noong Setyembre 14.
Kabilang din sa tinatawagan para sa contact tracing ang mga pumunta sa Tagum Cooperative-Panabo Branch noong Setyembre 21, mula alas-10:30 hanggang alas-10:53 ng umaga at sa parehong araw sa Gaisano Grand Panabo-Grocery Department simula alas-11:07 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali.
Ang mga ito ay pinayunhang magtungo sa kanilang barangay health station o health worker o tumawag sa COVID-19 hotlines: 09064400650 o 09516534364 upang sumailalim sa isang linggong kwarentina.
Inanyayahan din ng CHO ang lahat ng mall goers na pumasok sa Watsons sa Gaisamo Mall of Tagum noong Setyembre 18, 19, 20, 24, 26, at 27 na sumailalim sa self-quarantine at tumawag sa kanilang hotline lalo na kung nagkaroon ng mga sintomas ng nasabing sakit.
Nuna rito, napag-alaman ng CHO na isang empleyado ng Watsons ang nag-positibo sa COVID-19 at pumasok pa sa trabaho sa nabanggit na mga petsa.
Dahil dito, humihingi n ng kooperasyon ang CHO mula sa publiko upang makontrol ang posibleng local transmission sa lugar.
Sa huling abiso ng Department of Health (DOH)-XI noong Biyernes, umabot na sa 47 ang bagong kaso ng COVID-19 sa rehiyon at may 3,159 ang kabuuang kaso at nasa 597 ang active cases.
Nakapagtala rin ang 12 new recoveries kung kaya umabot na sa 2,483 ang kabuuan habang tatlo ang bagong namatay at pumalo na sa 97 ang kabuuang bilang. (DONDON DINOY)
