BARANGAY, ‘DI AWTORISADONG MAG-ISYU NG BUSINESS PERMIT

NAGBABALA si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa mga barangay chairman na ang pagbibigay ng business permit sa mga negosyo ay nakasalalay sa pamahalaang lungsod at hindi sa mga barangay.

Ito ang pahayag ng alkalde makaraang makatanggap ng reklamo hinggil sa ilang barangay chairman na umaabuso sa kanilang kapangyarihan sa puntong hindi pahihintulutan ang operasyon ng negosyo hangga’t hindi nakakukuha ng barangay permit.

“Paalala sa mga barangay chairman. May mga reklamo tayo. Bukas nang bukas ng ekonomiya at mga negosyo para magkaroon ang mga tao ng trabaho pero may iilan na umaabuso.

Hinihingan o nag-iisyu ng business permit ng barangay at pag ‘di naisyuhan ng barangay, hindi makapagbubukas ang negosyante,” pahayag ng alkalde.

Binigyang diin ni Moreno na walang kapangyarihan ang barangay na mag-isyu ng business permit dahil tanging ang pamahalaang lungsod lamang ang may kapangyarihan na magbigay nito.

“Paalala ko, ang barangay ay hindi nag-iisyu ng permit. Ang kinukuha sa barangay ay barangay clearance. Iba ang purpose nito sa business permit,” paliwanag pa ng alkalde.

Iginiit pa ng alkalde, hindi puwedeng palitan ng mga barangay chairman ang batas, partikular ang Republic Act 7160 na mas kilala bilang Local Government Code, RA 7160 o transferred control and responsibility of delivering basic services to the hands of local government units (LGU).

Idinagdag pa nito, ang sinumang chairman ng barangay na igigiit ang pagsaklaw sa kapangyarihan ng pamahalaang lungsod sa pag-iisyu ng business permits ay posibleng makasuhan ng ‘abuse of authority’.

“Hindi pwedeng saklawan ng barangay ang itinalaga ng batas under RA 7160 kung saan siyudad ang dapat na mag-isyu ng business permit.

Baka kayo makasuhan for abuse of authority or usurpation for acting beyond your responsibility,” dugtong pa ng alkalde.

Ayon pa sa alkalde, nagpalabas siya ng paalala dahil ayaw niyang mauwi na kasuhan ang maraming chairman ng barangay dahil naniniwala pa rin siya sa diplomasya. (RENE CRISOSTOMO)

640

Related posts

Leave a Comment