SA pagsisimula ng online classes para sa school year 2020-2021, marami ang nagpahayag ng kanilang mga hinaing ukol sa bagong sistemang ito.
Karamihan sa nagparating ng kanilang mga pinagdaraanan ay ang mga magulang at legal guardian ng mga mag-aaral.
Ang bagong normal na ito ay tunay na nagdala ng mga hamon hindi lamang sa mga magulang at mag-aaral kundi pati na rin sa mga guro gaya ng istoryang ipinalabas sa telebisyon ng programang Kapuso Mo, Jessica Soho.
Ipinakita sa istorya ang sitwasyon sa mga liblib na lugar sa probinsya kung saan iba’t- ibang sakripisyo ang ginagawa ng mga guro para kumpletuhin at ipamigay ang learning modules sa mga mag-aaral.
Ang istorya ng 32 taong gulang na propesor sa kolehiyo na si Teacher Moises Palomo mula sa Tandag City, Surigao del Sur ay mabilis na kumalat sa social media.
Ang post ng kanyang litrato na kuha matapos madulas at mahulog sa katubigan habang tumatawid sa isang tulay para magdala ng modules sa mga estudyante niya ay isang magandang halimbawa ng dedikasyon ng mga guro sa kanilang tungkulin ngayong panahon ng pandemya.
Pinalad naman na walang nasirang anuman sa kanyang kagamitan na para sa pagtuturo.
Bunsod ng patuloy na pagdami ng kaso ng COVID-19 sa bansa ay napagdesisyunan ng pamahalaan na huwag munang pahintulutan ang pisikal na pagpunta ng mga estudyante sa paaralan upang makaiwas sa virus.
Batid naman ng Department of Education (DepEd) na hindi maaaring maantala ng matagal na panahon ang pormal na edukasyon ng mga mag-aaral na siyang naging dahilan upang itulak nila ang online learning.
Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na upang makasabay sa online learning na isinusulong ng pamahalaan, kailangan ay may mga gamit kang katulad ng laptop o desktop computer, at kailangan din ng serbisyo ng internet.
Sa kasamaang palad, hindi lahat ng mga magulang ay may kakayahang makabili ng mga ito kaya’t marami rin sa kanila ang nagdesisyong hindi muna pag-aralin ang mga anak.
Kung dati ay kahit paano’y nakasasabay pa ang pampublikong paaralan sa kalidad ng edukasyon na ibinibigay sa mga pribadong paaralan, ngayon ay tila nagkaroon ng malinaw na dibisyon sa pagitan ng dalawa.
Sa kabila ng paghihikayat ng pamahalaan na ipagpatuloy ng lahat ng mag-aaral ang kanilang pag-aaral anuman ang estado nito sa buhay, batid ng DepEd na hindi naman maaaring pilitin ang mga magulang kung talagang hindi nito kaya ang gastusin.
Agad namang inaksyunan ng pamahalaan ang suliranin ng kakulangan sa teknolohiya sa pamamagitan ng paghain ng iba pang opsyon gaya ng paggamit ng mga printed material o digital module, pati na rin ang edukasyon sa pamamagitan ng radyo at telebisyon.
Ang edukasyon ay isang mahalagang pundasyon sa buhay ng isang tao.
Mahalaga rin ang papel na ginagampanan nito sa paghubog ng mga susunod na henerasyon.
Nakatitiyak naman tayo na ginagawa ng pamahalaan ang kanilang makakaya upang matulungan ang mga mag-aaral na walang sapat na budget para sa online learning.
Nawa’y maging mabilis ang paglunsad ng mga programang makapagbibigay ng pagkakataon sa iba pang estudyante na makapagpatuloy sa kanilang pagaaral.
Mahalagang matiyak na ang lahat, anuman ang estado sa buhay, ay may access sa magandang kalidad ng edukasyon upang lahat ay may pagkakataong makamit ang magandang kinabukasan.
527 