‘KILLER’ NG EPZA WORKER, PATULOY NA TINUTUGIS

CAVITE – Patuloy ang paghahanap ng mga awtoridad sa suspek na pumatay sa isang 19-anyos na lalaki at pagkakasugat sa kasama nito nang magalit matapos ungusan ang minamaneno nitong kotse ng motorsiklo ng mga biktima sa bayan ng Rosario sa lalawigang ito.

Ayon kay P/SMSgt. Gemma Oliveros, hepe ng Investigation Division ng Rosario Municipal Police Station, hindi pa umuwi sa kanilang bahay sa Brgy. San Sebastian, Kawit, Cavite ang suspek na si Edwin Lontok, 42, matapos ang pamamaril na ikinamatay ni Gregorio Buno, isang operator sa EPZA Processing Zone, at pagkakasugat sa kasamahan nitong si Junnie Catapang, 22, na tinamaan ng bala sa hita.

Nabatid na matapos ang insidente ay sinundo pa umano ng suspek ang kanyang asawa at inihatid sa kanilang bahay saka muling umalis nang walang paalam at hindi na nagpakita pa simula noon.

Matatandaan, dakong alas-7:10 noong Martes ng gabi nang mangyari ang pamamaril sa Gen. Trias Drive, Brgy. Tejeros, Rosario, Cavite.

Galing ang mga biktima sa kanilang trabaho at magkaangkas sa motorsiklo na minamaneho ni Catapang habang ang suspek ay minamaneho ang kanyang pulang Honda Jazz (DBZ 3940) at kapwa binabagtas ang parehas na direksiyon.

Naungusan umano ng motorsiklo ang kotse ng suspek na pinaniwalaang ikinagalit nito kaya sinundan nito kung saan patungo ang mga biktima.

Ipinarada ng suspek ang kayang kotse, bumaba at sinundan ang mga biktima na lumiko patungo sa isang tindahan ng tinapay kung saan nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo hanggang sa binaril ang mga biktima.

Isinugod sa Divine Grace Medical Center ang mga biktima subalit namatay si Buno.

Nabatid na bagong promote umano ang biktima sa kanyang trabaho bilang operator sa isang kumpanya

Nakilala naman ang suspek ng mga by-stander sa lugar kaya natunton ng pulisya ang bahay nito sa Kawit. (SIGFRED ADSUARA)

212

Related posts

Leave a Comment