KARAPATAN NG SAME-SEX PARTNERS MULING IGINIIT NI SEN. MARCOS

DAHIL sa pahayag ni Pope Francis para sa same sex civil unions, muling binuhay ni Senador Imee Marcos ang panawagang bigyang-karapatan ang same-sex partners para sa joint property na halos katulad sa kasal ng heterosexual couples.

Sa ilalim ng Senate Bill 417, nais ni Marcos na bigyang-lunas ang kawalan ng batas na magsasa-legal sa relasyon ng same sex couples para payagan ang LGBT members na kapwa ma-enjoy ang property rights.

Ang panukalang batas ni Marcos, na “An Act Instituting A Property Regime For Cohabiting Same Sex Partners And For Other Purposes,” ay isa sa mga una niyang inihain bilang senador noong July 2019, na magbibigay-pahintulot sa same-sex couples na nagsasama na ng kahit isang taon nang patas na bahagi para sa kanilang property, income, donations o mga regalo na natanggap sa panahon ng kanilang pagsasama.

Paliwanag pa ni Marcos, magbibigay daan ito para sa isang batas hinggil sa civil union ng mga kabilang sa LGBT community, na tumutukoy sa pagsuporta rito ni Pope Francis.

“Ang kailangan nating magawa ay ang civil union law. Sa pamamagitan nito, legal silang masasaklaw ng batas,” sabay pag-quote ni Marcos kay Pope Francis sa documentary na “Francesco,” na kasalukuyang ipinalalabas sa Rome Film Festival na nagawaran ng 18th Kineo Prize sa Vatican Gardens nitong Huwebes.

“Panahon na para seryosong talakayin ang lehislasyon na pakikinabangan ng ating mga kamag-anak, kaibigan, mga katrabaho na bahagi ng LGBT community,” ayon kay Marcos.

“Tulad ng sinabi ni Pope Francis, “May karapatan ang mga homosexual na magkaroon ng pamilya. Sila’y mga anak ng Diyos,” ” dagdag pa nito.

Sinabi ni Marcos na para maprotektahan naman laban sa mga pag-abuso sa same-sex relationships, ang mga namanang ari-arian na nagsasangkot sa ibang partido ay hindi kasali sa panukalang lehislasyon.

Gayundin, ang mga pagrerenta o pagbebenta ng mga ari-ariang nakuha habang nasa isang relasyon ang isang same sex partners ay kailangang maaprubahan at mailagay sa opisyal na dokumento.

Ang inutang naman anya na walang permiso sa isa sa same-sex couples ay kinokonsiderang personal na obligasyon at pananagutan.

Habang ang co-ownership ng property ay matatapos kapag naghiwalay na ang same-sex couple, o kaya’y namatay o permanenteng nagkaroon ng kapansanan ang isa sa kanila at kinakailangan namang patas na hatiin ang lahat ng kanilang pag-aari.

May opsyon naman ang same-sex partners na ituloy ang joint ownership ng property, pero kailangang deklarado ito ng magkapareha at nasa opisyal na dokumentong notaryado ng abogado.

“Kontrobersyal man ang isyu ng same-sex union, ang hatian ng mga ari-arian ng mga magkarelasyon ay isa lang sa pinaka natural na bagay na dapat gawin,” pahayag pa ni Marcos. (NOEL ABUEL)

295

Related posts

Leave a Comment