BUMABA ang paggasta ng pamahalaan nitong buwan ng Setyembre.
Sinabi ni RCBC economist Michael Ricafort na ang pagbaba ng paggasta ay makapagbapabagal sa recovery ng bansa, kaya’t kailangan na bilisan ang “disbursements and implementation” ng Bayanihan 2 para makamit ang layunin nito sa kabila ng natitirang dalawang buwan ngayong taon.
Makikita sa data ng Bureau of Treasury na ang public spending ng gobyerno ay bumaba ng 15.45% o ₱350.9 billion, kung saan iniugnay ito ng ahensiya sa pagpapalabas ng subsidy at ang base effect ng mataas na infrastructure spending sa kaparehong buwan ng nakaraang taon.
Gayunman, para sa panahon ng pagtatapos ng Setyembre, ang paglaki ng 15.07% sa ₱3.022 trillion ay naitala subalit nananatili pa ring mababa ng 7.53% kumpara sa revised program ng ₱3.26 trillion dahil sa mga hakbang na nananatiling ipinatutupad sa ilalim ng Bayanihan 2.
Ang P165.5 billion measure na tinintahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong Setyembre 11 ay inilaan para pondohan ang ginagawang pagtugon ng pamahalaan sa pandemiya para makabangon ang ekonomiya.
Iyon nga lamang, may ilang implementing agencies ang nagsabi na hindi nila natanggap ang pondo dahilan para maantala ang implementasyon ng kanilang mga programa.
Samantala, ang budget deficit ng pamahalaan ay lumiit ng 22.4% sa ₱138.5 billion mula noong nakaraang taon subalit mas malaki kumpara sa ₱40.1 billion na naitala noong nakaraang buwan.
Nangyari ito sa kabila ng 10.19% na pagbaba sa revenue collections, kung saan ay umabot ng ₱212.4 billion.
Sa nasabing halaga ay 91% ang nanggaling sa buwis habang 12% naman ang galing sa non-tax sources.
Sa unang 9 na buwan ng taon, ang buwis ay bumaba rin ng 7.92% o ₱2.143 trillion, subalit “8.8% above than the ₱1.97 trillion revised target.”
Kumpara sa Sept. 2019, ang koleksyon mula sa Bureau of Internal Revenue para sa buwan ay bumaba ng 6.56%, at maging ang buwis na kinolekta ng Bureau of Customs ay 13.69% at mula sa iba pang tanggapan ng 1.54%.
Bumaba rin ang Non-tax revenue ng 24.13% o ₱19.4 billion dahil sa pandemiya at mababa ang naging share ng pamahalaan mula sa kinita ng PAGCOR at ang pagbabayad ng interest sa advances na nag-offset sa mataas na koleksyon mula sa shares of stocks ng gobyerno. (CHRISTIAN DALE)
235 