DAVAO DEL NORTE – Maging ang alkalde sa bayan ng Sto. Tomas nitong lalawigan ay hindi nakaiwas sa sakit na coronavirus disease (COVID-19).
Mismong si Mayor Ernesto Evangelista ang nagkumpirma sa pamamagitan ng Facebook page ng nasabing bayan, na positibo ito sa COVID-19 matapos lumabas ang resulta ng test sa kanya ng Davao Regional Medical Center noong Huwebes ng hapon, Oktubre 22.
Si Evangelista ang pinakaunang alkalde ng probinsiya na dinapuan ng nasabing sakit matapos ma-expose sa isang COVID-19 positive na indibidwal noong Oktubre 14.
Inilarawan na symptomatic ang mayor ngunit ang kanyang kaso ay kino-konsiderang mild case lang ng mga doktor dahil nanatiling normal ang kanyang vital signs.
Ipinaalam din ng lokal na gobyerno na inilagay na ang alkalde sa isolation unit at mariing binabantayan ang sitwasyon nito.
Agad namang nagsagawa ng contact tracing ang Municipal Health Office (MHO) sa mga taong posibleng nakalapit sa mayor simula noong Oktubre 14.
Habang naka-isolate, si Evangelista pa rin ang nanunungkulan bilang alkalde ng bayan at patuloy na ginagawa ang kanyang trabaho sa pamamagitan ng virtual meeting. (DONDON DINOY)
231 