NGAYONG panahon ng pandemya, marami ang napipilitang manatili sa loob ng kani-kanilang mga tahanan upang manatiling ligtas sa virus na COVID-19.
Upang magpatuloy ang pag-aaral ng mga kabataan sa kabila ng pandemya, inilunsad ng Department of Education (DepEd) ang blended learning approach.
Sa nasabing istratehiya, napakahalaga ng papel na ginagampanan ng kuryente.
Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na marami pa ring lugar sa bansa ang nananatiling walang kuryente dahil hindi ito abot ng mga pasilidad ng kuryente sa bansa.
Ang One Meralco Foundation (OMF), ang sangay ng Meralco na nangangalaga sa mga programa nitong pang-komunidad, ay may programang inilunsad upang matugunan ang problema ng kawalan ng kuryente sa mga nasabing lugar.
Halos isang dekada nang inilulunsad ang programang ito.
Sa ilalim ng nasabing programa ay naglalagay sila ng 1 hanggang 3 kilowatts na solar PV system sa mga pampublikong paaralan na matatagpuan sa mga malalayo at liblib na lugar sa bansa. Karamihan sa mga lugar na ito ay nasa labas na ng lugar na kinasasakupan ng Meralco.
Layunin ng OMF na mabigyan ng pagkakataon ang mga mag-aaral sa mga liblib na lugar na ito na makapag-aral ng mabuti at matutunan ang paggamit ng mga teknolohiya gaya ng kompyuter at internet.
Noong nakaraang taong 2019, ang OMF ay matagumpay na nakapaghatid ng liwanag sa 245 na paaralan sa iba’t ibang lugar sa bansa – 106 sa Luzon, 72 sa Visayas, at 67 naman sa Mindanao.
Ngayong taon, sa kabila ng pandemya ay layunin ng OMF na makapagbigay ng supply ng kuryente sa hindi bababa sa 15 na paaralan.
Ayon kay Jeffrey Tarayao, ang presidente ng OMF, ang mga paaralan na kanilang nabigyan ng kuryente ay mga paaralang matatagpuan sa mga lugar na hindi madaling napupuntahan kahit na normal ang situwasyon. Lalo pang naging mahirap puntahan ang mga ito bunsod ng paghihigpit sa paglalakbay dahil sa COVID-19.
Ayon kay Tarayao, sa halip na hayaang maantala ang kanilang proyekto ukol sa pagpapa-ilaw, nagpatuloy sila sa paglulunsad ng proyekto.
Kasabay ng unti-unting pagluwag ng mga ipinapatupad na panuntunan ukol sa paglalakbay sa iba’t ibang bahagi ng bansa, muling nagpatuloy ang OMF sa pagpapadala ng kanilang kagamitan at mga engineer sa mga probinsya ng Samar at Masbate noong Hulyo.
Batid nila ang kahalagahan ng kuryente lalo na ngayong ipinapatupad na ang blended learning approach sa mga paaralan. Kaya’t nananatili ang dedikasyon ng OMF sa kanilang layunin. Sa katunayan, pitong paaralan sa Masbate ang kasalukuyang nilalagyan ng solar power equipment. Nakalinya na rin ang ilang paaralan sa Mindanao sa mga susunod na Linggo.
Hindi natatapos sa pagkakabit ng kuryente ang programa ng OMF.
Patuloy ang kanilang pagtulong sa mga paaralan na bahagi ng kanilang programa sa pamamagitan ng pagdadaos ng libreng training para sa tamang paggamit sa mga kagamitan at kung paano mapananatili ang magandang kondisyon ng mga ito. Ngayong taon, ang mga libreng training na ito ay isasagawa online para sa kaligtasan ng mga lalahok.
Malaki ang pasasalamat ko na mayroong mga organisasyong kagaya ng OMF na tunay na nagmamalasakit sa mga komunidad sa bansa kahit na ang mga ito ay hindi na sakop ng Meralco.
Napakahalaga ng mga ganitong uri ng organisasyon lalo na ngayong panahon ng pandemya na marami sa atin ay nangangailangan ng tulong.
342