CAVITE – Sugatan ang isang 31-anyos na mister makaraang pukpukin ng martilyo sa ulo ng lalaking hinihinala niyang kalaguyo ng kanyang misis sa Dasmariñas City sa lalawigang ito.
Nilalapatan ng lunas sa Pagamutan ng Dasmariñas ang biktimang si Dennis Chua, ng Brgy. Salawag, Dasmariñas City, Cavite dahil sa sugat sa ulo matapos na pukpukin ng martilyo ng suspek na si Roberto Tuala, 62, ng Block 6, Lot 29, Diamond Village, Brgy. Salawag sa nabanggit na lungsod.
Ayon sa ulat ni P/Corporal Aaron John Golo, dakong alas-9:00 ng gabi noong Sabado nang sumugod ang biktima sa bahay ng suspek at hinahanap ang kanyang misis na umalis umano makaraan silang magtalo.
Sinabi ng suspek na wala sa kanilang bahay ang misis ng biktima ngunit ayaw maniwala ng huli na puwersahang pumasok sa loob.
Bunsod nito, nagalit ang suspek kaya dumampot ng martilyo at pinukpok sa ulo ang biktima
Napansin naman ng mga kapitbahay ang away ng dalawa dahilan upang ipagbigay-alam ang insidente sa barangay na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek habang ang biktima ay isinugod sa ospital.
Ayon kay Golo, naghinala ang biktima na may relasyon ang kanyang misis sa suspek kaya sumugod ito sa bahay ni Tuala. (SIGFRED ADSUARA)
271
