NAGPAPATUPAD ang one stop shop ng Ninoy Aquino International Airport sa ilalim ng Inter Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases ng pagbabawas sa arrival passengers ng mga Overseas Filipino Worker kada araw.
Mula sa dating 4,000 na pinapayagang inbound passengers sa NAIA ay magiging 2,500 na lamang kada araw batay sa rekomendasyon ng IATF.
Ito ay sa kabila ng kumpiyansa ng medical team ng Philippine Coast Guard (PCG) na nakatalaga sa NAIA Terminals na kakayaning tumanggap hanggang 3,000 OFWs na dumarating sa bansa araw-araw.
Ayon kay NAIA Terminal 2 PCG Comander Edyson Abanilla, hindi nila masyadong pinag-uusapan ang bilang ng mga OFW na uuwi sa bansa dahil ang tutok nila ay kung paano aayusin at kung paano mapabibilis ang proseso ng swab test at paglalabas ng resulta ng mga government agency hospital na siyang mag-aanalisa sa mga specimen ng mga OFW.
Paglilinaw naman ni MIAA Media Affairs Head Jess Martinez na bagaman natuloy ang pagbabawas sa bilang ng mga OFW na dumarating sa NAIA, hindi umano nila saklaw ang bagong guidelines na ipatutupad ng IATF para sa inbound passengers sa NAIA.
Samantala, sinabi ni Overseas Workers Welfare Administrator Hanz Leo Cacdac na nananatiling libre ang swab test sa inbound OFWS na nagmumula sa high risk countries sa ibang panig ng mundo.
Ang pahayag ni Cacdac ay reaksyon sa ilang ulat na mayroong mga taong nagpapabayad nang mahal sa swab test na isinasagawa sa NAIA Terminal. (DAVE MEDINA)
227
