Paghabol kay Cayetano ‘di pipigilan ng Palasyo KORAPSYON SA 2019 SEA GAMES SISILIPIN

HANDANG magsagawa ng imbestigasyon ang Senate committee on sports laban sa Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) kaugnay ng umano’y anomalya sa nakaraang 2019 Southeast Asian Games hosting ng Pilipinas.

Sinabi ni Senador Christopher Bong Go, chairman ng nasabing komite, na hindi ito mag-aatubiling magpatawag ng parallel investigation laban sa mga opisyales ng PHISGOC na pinangungunahan ng chairman nito na si Taguig Rep. Alan Peter Cayetano.

“Kung merong magsasampa ng reklamo o resolution sa Senado, handa po tayo at hindi ako mag-aatubiling isagawa ang parallel investigation on the allegations against PHISGOC, on top of what the Ombudsman and the House of Representatives are doing now,” sabi ni Go.

Giit nito, mahalagang malaman ng taumbayan ang katotohanan kung nagkaroon ng anomalya sa SEA games hosting.

Kaugnay nito, ipinauubaya na ng Malacañang sa Kamara ang pagpapasya kung iimbestigahan ang umano’y anomalya sa nasabing event na ginanap noong Disyembre 2019.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, bahala na ang mga kongresista kung iimbestigahan ang kanilang kasamahan na si Congressman Cayetano.

Iyon nga lamang, sinabi ni Sec. Roque na hindi dapat kalimutan ang ipinakitang galing ng mga lokal na atleta sa nakalipas na 30th SEA Games.

Naipakita rin aniya ang matagumpay na hosting ng isang world-class sporting event.

“Let us, therefore, not dishonor the men and women who gave honor and glory to the country by engaging in political innuendos and witch hunts,” ayon kay Sec. Roque.

Sa ulat, handa si Speaker Lord Allan Velasco na imbestigahan ang kontrobersyal na pagho-host ng Pilipinas sa 30th SEA Games.

Ayon kay Velasco, kung may mambabatas na maghahain ng House Resolution upang paimbestigahan ang umano’y isyu ng korapsyon sa SEA Games ay kanila itong aaksyunan.

Magugunitang umabot sa P6.8 billion ang inilaang pondo ng pamahalaan sa PHISGOC bukod pa sa mga pribadong sponsor.

Nauna na ring sinabi ng Malakanyang na welcome dito ang naging hakbang ng Ombudsman na bumuo ng 7-man panel para imbestigahan umano’y kapalpakan sa pagho-host ng Pilipinas sa SEA Games. (NOEL ABUEL/CHRISTIAN DALE)

203

Related posts

Leave a Comment