2 GUNRUNNER SA RIZAL, TODAS SA AKG

RIZAL – Patay ang dalawang hinihinalang gun runner makaraang makipagbarilan sa mga operatiba ng Pililia Police at mga tauhan ni P/Col. Villafor Bannawagan ng LFU, sa ilalim ng direct supervision ni P/BGen. Jonnel C. Estomo, director ng Philippine National Police – Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG), sa gun buy-bust operation sa Sitio Kawayan Farm, Brgy. Halayhayin, sa bayan ng Pililia sa lalawigang ito.

Kinilala ang isa sa mga napatay na si Jake Pingal Anden habang inaalam pa ang pangalan ng kasama nito.

Ayon kay Pililia chief of police, P/Maj. Joel Custodio, ipinaalam ng PNP-AKG sa mga tauhan ng Pililia PNP ang hinggil sa transkasyon ng mga suspek sa pagbebenta ng mga armas.

Agad nagtungo ang Intelligence Group sa Sitio Kawayan Farm, Brgy. Halayhayin, Pililla, Rizal, kung saan nakipagkita sa dalawang suspek.

At nang iaabot ang caliber .45 firearms sa mga pulis at binibilang naman ng isa pang suspek ang P30,000 marked money, natunugan nilang paparating ang back-up ng mga pulis kaya’t inunahan na nilang paputukan ang mga operatiba ng PNP-AKG at Pililia PNP.

Ngunit gumanti ng putok ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkamatay ng mga suspek.

Narekober sa pinangyarihan ng engkwentro ang 5 pirasong .45 caliber pistols, isang carnapped na motorsiklo at buy-bust money.

Sinabi pa ni Bannawagan, bukod sa ilegal na pagbebenta ng mga armas, sangkot din ang mga suspek sa iba pang criminal activities tulad ng kidnapping, robbery holdup, gun-for-hire at carnapping.

Samantala, tinutugis ng mga awtoridad ang lider ng grupo na kinilalang si Ryan Dela Cruz alyas “Mokong” na may warrant of arrest sa kasong kidnapping. (KNOTS ALFORTE)

242

Related posts

Leave a Comment