DAVAO City – Boluntaryong isinuko ng isang 22-anyos na ina ang kanyang sarili noong Martes ng gabi makaraang makonsensiya sa kanyang nagawa sa sariling anak.
Ang suspek na nakatira sa Purok 6, Brgy. Gabuyan, sa bayan ng Kapalong, Davao del Norte, ay kusang nagtungo sa bahay ni Gabuyan Barangay Kapitan Edilberto Martinez at inamin na siya ang ina ng sanggol na natagpuang patay sa Brgy. Sampao, alas-10:00 ng umaga noong Sabado, Oktubre 24.
Ayon sa suspek, gabi-gabi siyang binabagabag ng kanyang konsyensiya matapos ang pag-abandona sa sarili niyang anak.
Sinabi ng suspek na habang nasa bahay siya ng kanyang sister-in-law sa Purok 2 ng mga sandaling ‘yun, matapos na maisilang niya ang sanggol ay agad niyang tinungo ang isang ilog sa lugar at iniwan doon ang kanyang anak.
Dahil malakas ang agos ng tubig, umabot ito sa kinalalagyan ng sanggol at doon tuluyang nalunod.
Agad namang inihatid ng opisyal ang suspek sa mga awtoridad at kasalukuyang nakakulong na makaraang sampahan ng kasong “infanticide”. (DONDON DINOY)
241
