COTABATO CITY – Siyam na mga kawani ng Bureau of Internal Revenue-District Office 107 sa Cotabato City, ang nagpositibo sa coronavirus disease o COVID-19, iniulat nitong Miyerkoles.
Bunsod nito, pansamantalang isinara ang Bureau of Internal Revenue-District Office 107 sa Cotabato City na matatagpuan sa SK Pendatun Avenue, hanggang sa Biyernes, Nobyembre 7.
Ayon kay Revenue District Officer Nora Macarambon, lahat ng siyam na kawani ay naka-isolate na at isinailalim naman sa mandatory swabbing ang 45 iba pang kawani ng tanggapan sa pakikipagtulungan ng Cotabato City Health Office.
Babalik ang physical operation ng BIR District Office sa Lunes, Nobyembre 10.
Samantala, nadagdagan pa ng dalawa ang bilang ng mga nasawi na naitala ng Department of Health sa Soccsksargen Region. Isang 87-anyos na babae ang nasawi sa Cotabato City.
Ito na ang ikatlong magkasunod na araw na may mga nasawi sa lungsod dahil sa COVID. Taga-Gen. Santos City ang ikalawang fatality. Dahil dito, umabot na sa 91 ang total deaths sa Region 12.
Samantala, mas marami naman ang bilang ng mga gumaling mula sa coronavirus disease, ang naitala ng DOH 12. Sa 63 na bagong mga gumaling, 14 ang mula sa South Cotabato, 13 sa Gen. Santos City, 11 sa Sarangani, 9 sa North Cotabato, tig-8 ang naitalang gumaling sa Cotabato City at Sultan Kudarat.
Dahil dito, umabot na sa 2,139 ang recovered patients sa rehiyon. Nitong Martes, naitala ang 44 bagong mga pasyente at 21 sa mga ito ay mula sa Cotabato City, 14 sa Gen. Santos City, 5 sa South Cotabato, 2 sa Sarangani at tig-isa sa North Cotabato at Sultan Kudarat.
Sa kabuuan, umabot na sa 2,926 ang confirmed cases sa rehiyon. (BONG PAULO)
218
