3 NABITAG SA P1-M SHABU

UMABOT sa P1 milyong halaga ng umano’y shabu ang nasabat ng mga awtoridad sa tatlong hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa magkahiwalay na operasyon sa mga lungsod ng Caloocan at Valenzuela, noong Martes ng gabi.

Ayon kay NPD Director P/Brig. Gen. Ronaldo Ylagan, dakong alas-7:00 ng gabi nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit (DDEU), sa pangunguna ni P/Capt. Ramon Aquiatan Jr., sa harap ng BPI Bank, Monumento Circle, EDSA, Brgy. 86, Caloocan City, na nagresulta sa pagkakaaresto kina Richie Nevado alyas “Uteng”, 29, watch listed/surrenderee, no.1 sa top 10 drug personalities ng NPD, nadakip noong 2012 sa kasong rape ngunit nakalaya nang magpiyansa, at Felizardo Pagia, 33, watch listed/surrenderee), nadakip noong Nobyembre 5, 2017 sa kasong droga,= at nakalaya noong Enero 2, 2020 sa pamamagitan ng parole.

Ani Gen. Ylagan, nag-ugat ang pagkakaaresto sa mga suspek mula sa dating buy-bust operation kontra kay Alvin Ko, no.2 sa top 10 drug personalities ng NPD, na nag-ooperate sa CAMANAVA area.

Nakumpiska sa mga suspek ang aabot sa 55 gramo ng shabu na may standard drug price na P374,000, marked money, cellphone at motorsiklo.

Inginuso naman ng mga suspek ang pinagkukunan nila ng droga kaya’t agad ikinasa ng mga operatiba ng DDEU ang follow-up buy bust operation sa #967, E. De Castro St., Brgy. Malinta, Valenzuela City na nagresulta sa pagkakaaresto kay Anthony Lloyd Molina, alyas “Carding”, 28, bandang 11:20 ng gabi.

Nakuha kay Molina ang 105 gramo ng shabu na may standard drug price na P714,000, at boodle money. (FRANCIS SORIANO/ALAIN AJERO)

207

Related posts

Leave a Comment