NIGERIAN NALAMBAT SA P6.5-M SHABU

NALAGLAG sa buy-bust operation ng mga awtoridad ang isang Nigerian national matapos mahulihan ng tinatayang P6.5 milyong halaga ng shabu sa Las Piñas City noong Huwebes ng gabi.

Kinilala ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PNP-DEG) ang 46-anyos na Nigerian suspect na si Kingsley Iwumune, nakatira sa Las Piñas City.

Ayon sa ulat ng pulisya, wala pang isang linggo nilang binantayan ang suspek sa mga aktibidad at transaksyon nito makaraang mabatid na miyembro ito ng isang Nigerian drug syndicate.

Nakipagkasundo ang Nigerian na makipagkita sa Gatchalian Avenue sa Las Piñas at nag-alok ng kalahating kilo ng shabu sa isang pulis na umaktong poseur buyer.

Nang matunugan ng suspek na buy-bust operation ang nangyayari, sinikap nitong tumakas sakay ng kanyang kotse ngunit makalipas ang ilang sandaling habulan ay bumangga ito sa sasakyan ng mga pulis.

Nakuha sa suspek ang dalawang supot ng plastic na may tinatayang isang kilo ng shabu na P6.5 milyon ang halaga.

Ayon sa record ng PNP, mahigit tatlong taon nang naninirahan sa bansa si Iwumune at minsan na rin itong nakulong dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na droga ngunit nakalaya noong 2018.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang mabatid kung saan nagmumula ang droga na itinutulak ni Iwumune sa area ng Las Piñas at Southern Luzon. (DAVE MEDINA)

140

Related posts

Leave a Comment