INIULAT ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang campaign plan at operational accomplishments ng militar sa ginanap na 1st Semester CY 2026 AFP Command Conference sa Camp Aguinaldo sa Quezon City.
Sa command conference, iniharap ng AFP sa Pangulo ang pagsusuri sa naging progreso ng kanilang mga operasyon, programa at plano para sa seguridad ng bansa.
Nagbigay rin ng briefing ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas kay Pangulong Marcos, na siya ring Commander-in-Chief, hinggil sa mga pangunahing tagumpay ng militar sa unang kalahati ng taon at sa mga target na programa para sa mga susunod na buwan.
Ayon sa AFP, nagsisilbing campaign review ang command conference kung saan iniuulat sa Pangulo ang pagpapatupad ng campaign plan at sinusuri ang mga naging resulta nito.
Nauna nang ipinaliwanag ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. ang mga plano ng militar na nakatuon sa pagtatatag ng isang ligtas at matatag na kapuluan sa pamamagitan ng magkakaugnay na pambansang pagsisikap.
Dumalo rin sa command conference si Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr. kasama ang iba pang matataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
(CHRISTIAN DALE)
58 