KAILANGAN protektahan ng bawat Pilipino ang kapaligiran na siyang magliligtas sa bawat mamamayan laban sa sakuna at kalamidad, ayon kay Senador Cynthia Villar sa pakikiisa sa pagdiriwang ng “National Environmental Awareness and National Clean Air Month ngayong Nobyembre.
Sa pahayag, sinabi ni Villar na dagdag pasanin sa atin ang kalamidad na nagpapahirap nang husto sa mahihirap dahil nasasayang ang ating pagkilos upang gumawa ng bagay na ikagaganda ng ating pamumuhay, pero sinisira ng kalamidad.
Si Villar ang chairperson ng Senate committee on environment, natural resources and climate change na palaging tumututol sa mga proyektong makasisira sa kapaligiran tulad ng reclamation sa Manila Bay.
“Better results would be achieved through more people and groups’ collective efforts geared towards environmental protection,” diin pa ng senadora na mariing tinutulan ang mga proyektong maaaring makasira sa kalikasan.
Partikular na tinutulan ni Villar ang planong reklamasyon sa kahabaan ng baybayin ng Manila Bay na ayon sa kanya’y makasisira sa Paranaque Wetland Park, isang deklaradong protected area sa ilalim ng batas. Makukompromiso rin aniya ang kabuhayan ng mahigit 300,000 fisherfolk sa kalapit na mga komunidad.
Tungkol naman sa problema sa plastic waste, isinusulong ni Villar ang pagpapatupad ng extended producer responsibility (EPR), isang measure na ginagawa ng mga bansa sa Europa para limitahan ang paggamit ng plastic waste at ang pagtatayo ng recycling facility para dito.
Para makatulong na mabawasan ang plastic waste, nagpatayo ang Villar Sipag Foundation ng tatlong pasilidad para i-convert ang plastic waste sa silya na ipinamamahagi ngayon sa mga pampublikong paaralan at mga farm school sa buong bansa. Maging ang Coca-Cola Beverages Philippines, ayon kay Villar ay nagpatayo na rin ng recycling facility sa General Trias, Cavite na magko-convert sa plastic bottle waste sa bagong botelya.
“We have a lot of plastic wastes here in Metro Manila. When disposed improperly, they could clog our drainage systems and eventually cause flooding, which in turn spreads diseases,” babala ni Villar.
Sa paggunita ng National Clean Air Month, sinabi ni Villar na ang pagpapanatili ng malinis na hangin ay dapat maging bahagi ng “new normal” kasunod ng coronavirus pandemic na nararanasan sa buong mundo.
Binanggit nito ang ulat kung saan gumanda ang kalidad ng hangin sa Pilipinas sapul nang ipatupad ang community quarantine para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
“We should keep this positive momentum going. It should be part of the new normal we are talking about,” ani Villar kasabay ng pagsasabing plano niyang rebyuhin ang implementasyon ng 21-taong Republic Act 8749 o Clean Air Act na naglalayong i-improve ang air quality sa bansa.
Bilang mambabatas, nakapaghain si Villar ng mga panukalang batas na magsisilbing solusyon at magpapatupad ng istratehiya para matugunan ang patuloy na problema sa kalikasan.
Noong 2018, pinangunahan din Villar ang pagpasa ng RA No. 11038 o Expanded National Integrated Protected Areas System (E-NIPAS) Act na nagdedeklara sa 94 lugar sa bansa bilang protected area. (ESTONG REYES)
600 